GMA ‘ipupulutan’ ni PNoy sa SONA

INAMIN ng Malakanyang na gagawing “pulutan” ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang ikalawang state of the nation Address (Sona).

Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, hindi maiiwasan ang magbanggit ang mga kapalpakan, anomalya at iskandalo ng dating administrasyon.

Pinabulaanan ni Valte ang akusasyong ang Palasyo ang may pakana ng mga “expose” nina dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan at dating election officer Lintang Bedol, na nagdawit kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa dayaan sa mga eleksyon noong 2004 at 2007.

“We are just as surprised as anyone na lumalabas po ngayon ‘yung mga ganito, ‘yung mga personalidad na ito, after hiding for so long,” aniya.

Gayunman ay inamin nitong interesado ang Palasyo sa mga sinabi at sasabihin pa nina Ampatuan at Bedol.

“And, as with everybody else, interesado po kami doon sa paghahanap po natin doon sa katotohanan ng mga nangyari ‘nung 2007 at 2004 dahil kung totoo po man ang sinasabi ni Lintang Bedol, naging biktima rin po si Senador Aquino ‘nung sinasabi niyang naging dayaan sa Maguindanao ‘nung 2007,” ani Valte.

Hindi rin umano itinaon ang mga pagbubulgar na nabanggit para maisama ito sa Sona ni Pangulong Aquino sa darating na Hulyo 25.

Samantala, sinabi ng tagapagsalita na hindi pipigilan ng Malakanyang ang mga raliyista na sabayan ang Sona ng Pangulo.

Pinalagan din ni Valte ang pahayag ni Atty. Raul Lambino, legal counsel at tagapagsalita ni Arroyo.

Naiintindihan umano ng Malakanyang ang sinabi ni Lambino na dapat ay ituon ni Pangulong Aquino ang kanyang Sona sa accomplishments nito at hindi sa paninira sa dating administrasyon.

“Atty. Lambino, kung gusto namin talagang ipakulong ‘yung kliyente mo, siguro po nobody will disagree with us na kung ‘yun po talaga ang pinupunto namin, if we are only after revenge dapat po matagal na naming ginawa,” pahayag ni Valte sa abogado ng dating Pangulo.

Kung ibig lamang umano ng publisidad ng Malakanyang ay “nag-file na lang po kami ng some trumped up charge.” “Pero hindi po namin ginagawa,” ani Valte.

Aniya pa: “Uulitin ko lang po ‘yung sinabi ni (Interior) Secretary (Jesse) Robredo, ang puno’t dulo po nito hindi si Ginang Arroyo. Ang puno’t dulo po nito ‘yung ends of justice.”

Pinayuhan ni Valte si Lambino na huwag lumayo sa isyu.

“Ano po ba ‘yung isyu? Siguro po ‘yun po ‘yung dapat sinasagot,” anito.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply