GMA maayos na ang lagay

MAAYOS ang kalagayan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo matapos ang limang oras na operasyon sa cervical spine.

Ito ang inihayag ng kanyang mga manggagamot gabi ng Biyernes, Hulyo 29, 2011 sa St. Luke’s Medical Center, Global City, Taguig City sa ginanap na press briefing.

Ayon kay Dr. Juliet Gopez-Cervantes, main attending physician ni Arroyo, mabilis ang recovery ng kasalukuyang kongresista ng Pampanga sa kabila ng edad nitong 64.

Sinabi pa ni Gopez-Cervantes, dakong alas-2:00 Biyernes ng hapon nang matapos ang operasyon. Makaraan ang dalawang oras ay nagising at kaagad na nakapagsasalita na ang kongresista.

Inoobserbahan sa ngayon ng mga manggagamot kung may anumang kumplikasyon ang ginawang operasyon kay Arroyo tulad ng neurological deficit lalo na sa respiratory muscle, motor at sensory function sa mga kamay ng dating Pangulo.

Inihayag pa ng naturang manggagamot na normal na ang motor movement ni Arroyo, hindi katulad ng bago pa siya isailalim sa operasyon.  Wala aniya siyang nakikitang problema sa kasalukuyan.

Ayon naman kay Dr. Mario Ver, orthopedic surgeon na nanguna sa pagsasagawa ng operasyon na malakas na ang puwersa ng mga braso ng kongresista na nangangahulugan na may magandang recovery sa kanyang neurological deficit.

Sinabi ni Ver na naglagay siya ng titanium plate sa nasirang spine ni Arroyo.  Ang pagkakabaluktot nito sa loob ng walong taon ay tinatawag na “in kyphosis.”

Kinakailangan aniya ng tatlong linggong manatili sa kanyang tahanan ang dating Pangulo upang tuluyang maka-recover mula sa maselang operasyon.

Kamakailan ay na-diagnose ang cervical spondylosis ni Arroyo na ginamot sa pamamagitan ng physical therapy hanggang sa hindi na niya matiis ang nararamdamang kirot nito.

Napag-alaman sa mga manggagamot na ang cervical spondylosis ay paghina ng buto sa leeg dahil nagkaka-edad ang isang tao na nagreresulta sa pagkawala nito sa puwesto kaya’t nagkakaroon ng pananakit ng nerves at nararamdaman ang kirot sa upper extremities.

Maghapon ng Sabado, Hulyo 30, ay inobserbahan si Arroyo kung maaari ng inilipat ng pangkaraniwang silid ng St. Luke’s. Ben Reyes

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply