GMA papayagang magpaliwanag sa PCSO scam

BUKAS ang pintuan ng Senado sa lahat ng mga kongresistang isinabit sa isyu ng paglulustay ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), kabilang si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.

Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, bagama’t hindi pipilitin ng Senado na padaluhin si Arroyo, kabilang ang ilang mambabatas na nabanggit sa PCSO fund scam, malaya naman silang dumalo at magpaliwanag sa isasagawang pagdinig sa Miyerkules.

“Bukas ang pintuan ng Senado sa lahat ng mambabatas na nais magpaliwanag at idepensa ang kanilang sarili,” ayon kay Lacson.

Ibinulgar ni PCSO chairman Margie Juico na namudmod umano ng salapi, ambulansiya at mamamahaling sasakyan ang nakaraang administrasyon sa ilang obispo ng Simbahang Katoliko at mga kongresistang kaalyado ng dating Presidente.

Itinanggi naman ng ilang oposisyon, kabilang si Sorsogon Rep. Edcel Lagman, ang akusasyon ni Juico.

Hinamon ng mambabatas si Juico na maglabas ng sapat na dokumentong magpapatunay na tumanggap siya ng ambulansya.

Ngunit, idinepensa naman ni Lagman na nararapat lamang na magbigay ng ambulansiya ang PCSO sa mga distrito dahil malaki ang maitutulong nito sa paghahatid ng pangunahing serbisyo sa kanilang nasasakupan tulad ng pangangalaga sa kalusugan.

“Welcome sa Senado ang mga kongresistang lumutang ang pangalan at nadadawit sa PCSO fund scam sakaling magpasya silang magtungo at humarap nang personal sa komiteng magsasagawa ng pagdinig,” ayon kay Lacson.

Ngunit, nilinaw ni Lacson na hindi iimbitahan ang mga kongresistang nadawit sa anomalya bilang paggalang sa ipinaiiral na inter-parliamentary courtesy.

Aniya, kung sakaling gustong dumalo ng partikular na kongresista sa imbestigasyon ng Senado, marapat lamang umanong makipag-ugnayan sila kay Sen. Teofisto Guingona III, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, upang maisaayos ang pagsalang sa kanilang testimonya.

Nakatakdang simulan ng Senado ang imbestigasyon sa multi-bilyon-pisong anomalya sa PCSO dakong alas-nuwebe ng umaga ng Miyerkules.

Unang isasalang ang kasalukuyang opisyal ng tanggapan upang matukoy ang lawak at bigat ng eskandalo.

Isusunod na isasalang sa Huwebes, Hulyo 7, ang mga dating opisyal ng PCSO upang makapagpaliwanag sa naturang eskandalo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply