GMA sabit sa P325-M PCSO fund scandal

IBINULGAR ng mismong dating general manager ng  Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na may basbas si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa paglulustay ng P325-milyon  intelligence funds mula 2008 hanggang 2010.

Sa kanyang testimonya sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Teofisto Guingona III, inamin ni Rosario Uriarte na alam at pinayagan ni Arroyo ang pagpapalabas ng intelligence funds mula sa ahensya.

Sinabi pa ni Uriarte na maliban sa pagbili ng intelligence information, inaprubahan din ni Arroyo, na ngayon ay kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga sa Kamara de Representantes, na gamitin ang ilang bahagi ng pondo para sa relief operations sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyong “Ondoy” at pagbabayad sa “blood money” ng mga overseas Filipino worker na nasangkot sa krimen sa Saudi Arabia.

“Alam ni Pangulong Arroyo na ginagamit ang intel funds sa relief operations and pagbabayad ng blood money,” ayon kay Uriarte. “Humihingi ng pondo ang DFA (Department of Foreign Affairs) para pambayad sa blood money sa OFWs na nagkaroon ng krimen at ipambabayad sa pamilya ng biktima.”

Dahil dito, binantaan nina Sen. Franklin Drilon at Sen. Francis “Chiz” Escudero si Uriarte na maaari itong sampahan ng kasong plunder dahil ginamit nito ang pondo sa tunay na intensyon ng badyet.

Anila, ito ay isang paglabag sa umiiral na accounting and auditing procedures ng gobyerno.

“As we go on, I think you are lying, and you can be liable, as Sen.(Juan Ponce) Enrile says, for plunder,”  ayon kay Drilon.

“Hindi naayon sa korte o sa anumang batas na ginagastos ang pondo sa tunay na intensiyon sa paglalaan ng pondo,” dagdag naman ni Escudero.

Para sa blood money, sinabi ni Uriarte na isang dating undersecretary ng DFA ang personal na kumukuha ng halagang P5 milyon sa bawat pagkakataon.

Apat na beses umano nangyari ang insidente ng pagbibigay ng PCSO ng nasabing halaga para  sa pagbabayad ng blood money sa pamilya ng biktima ng mga OFW na gumawa ng krimen sa Saudi Arabia.

“The undersecretary ang pumupunta sa amin. Hindi ko matandaan kung sino. Siya mismo ang kumuha ng P20 milyon sa amin,” ayon kay Uriarte. “We usually make receipts (on the blood money).”

“All the auditing rules were violated when an amount of P5 million in cash was transferred from one entity to other department,” komento ni Drilon sa pagtutukoy.

Sa kalagitnaan ng pagdinig ay pinaalalahanan ni Drilon si Uriarte na “you are implicating the former president that she is part of the crime.”

Inihayag pa ni Uriarte na iisang intelligence report lamang ang kanyang ginawa at personal na ibinigay kay Arroyo kaya’t wala itong rekord na natanggap ng Office of the President noon.

Anito pa, ang paggamit ng intelligence funds para sa relief operations at pagbabayad ng blood money ay iniuulat niya tuwing may executive session ang Board of Directors ng PCSO.

“Eveytime na gagamitin ang intel funds, nababanggit ko ‘yan sa executive session kabilang ang anumang feed back sa proyekto,” ayon kay Uriarte.

Naniniwala naman si Enrile na kumakalap o gumagawa ng intelligence funds ang PCSO kahit mas malaki pa sa pondo ng AFP at PNP upang magamit sa mga sekretong operasyon ng dating administrasyon.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply