Gobyerno tutulong sa babalik na OFWs

NAKAHANDA ang gobyerno para tumulong anumang oras sa mga overseas Filipino worker (OFW) na uuwi o mapapauwi sa bansa.

Ayon sa pahayag ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Carmelita Dimzon, naglaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P2-bilyon pondo sa pamamagitan ng Reintegration Program na inilaan para sa mga OFW at pamilya nila upang makapagsimula ng negosyo dito sa bansa.

Ang naturang programa, na ipatutupad ng OWWA sa pakikipagtulungan ng Development Bank of the Philippines (DBP) at Land Bank of the Philippines (LBP), ay nakahanda umanong magpahiram ng puhunang nagkakahalaga mula P300,000 hanggang P2 milyon na maaaring gamitin ng benepisaryo sa itatayong nitong negosyo.

Maliban dito, bibigyan din sila ng sapat na kapasidad magnegosyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga training, tulad ng financial literacy at business management.

Ipinaliwanag ni Dimzon na ang “Saudization,” na tinatayang makapagpapabawas sa mga OFW sa Saudi Arabia, ay matagal nang programa ng gobyerno ng Saudi Arabia na unti-unting ipinatutupad sa nakalipas na 20 taon.

Siniguro din ni National Reintegration Center for OFWs (NRCO) executive director Vivian Tornea na bukod sa Reintegration Program ng DOLE, makatutulong din ang kanyang opisina sa iba’t ibang pangangailangan ng mga OFW sa kanilang pagbabalik sa bansa

Ang NRCO ay isang attached agency ng OWWA.

Para naman sa mga OFW na nais pa ring magtrabaho sa ibang bansa, nagbibigay din ang gobyerno, sa pamamagitan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), ng tulong upang makahanap ng trabaho sa ibang bansa.

Handa namang tumulong ang DOLE sa mga OFW na naghahanap ng trabaho sa loob ng bansa, ayon kay Tornea.

Aniya pa, prayoridad ng gobyerno ang pagtugon sa pangangailangan ng mga OFW na umuuwi sa bansa, tulad nung mga napauwi mula sa Libya.

Samantala, binigyang-diin din ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa kanyang State of the Nation Address (SONA) kamakailan ang pagpapababa ng unemployment rate sa bansa.

Binigyang-diin din ni Pangulong Aquino na kung dati ay napapako sa pangingibang-bansa ang ambisyon ng mga Pilipino, ngayon ay may pagpipilian na silang trabaho.

Kailangan lamang umanong tapatan ng sipag at determinasyon upang matupad ang kanilang mga pangarap upang  maabot ito.  Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply