Gusto lang malinawan

NAIPASA raw sa Manila ang City Ordinance 8289 na naglalayong hindi na magbayad ng buwis ang Smart Communications sa lahat ng kanilang mga machinery/equipment

at local franchise tax sa lungsod.

May mga umaalma dahil hindi biro na ilibre ang Smart Communications na kaya naman magbayad ng tamang buwis, bakit  naman i-e-exempt sa tax?

Ayon pa sa mga nagrereklamo, hindi nakasaad sa nasabing ordinansa kung hanggang kailan libre sa tax ang SMART!

Hindi ba kawalan ito sa pwedeng milyones na pondo para sa kaban ng bayan? At gaano katotoo na kahit marami ang tutol ay tatlong buwan nang ini-enjoy ng SMART ang special na pribilehiyong ito mula pa noong April 26, 2011?

Nakabinbin daw sa korte ang usapin ukol dito at patuloy raw ang SMART na nag-enjoy ng hindi pagbabayad ng buwis kung saan mukhang agrabyado naman ang lungsod.

Iginigiit ng mga tumututol sa ordinansa ang mga “negative effect” ng pagkakaloob ng tax exemption  sa  SMART COMMUNICATIONS.

Una, mawawala na ang social justice. Kung yun nga naman daw  mga traysikel at pedicab ay sinisingil ng prangkisa at ibang mga business establishment ay nire-require ng pagbabayad ng tax.

Nawala na raw ba ang rule of law sa Maynila? Pinapaboran nga ba ang iilan?

Huwag naman.

May mga nag-aalala na kung magpapatuloy ito, puwedeng ilaban ng SMART ang ordinansa sa iba pang mga lungsod at munici-pality sa bansa sa pamamagitan ng korte. Ano ang kahihinatnan?  At ano ang kasunod? Gagaya na rin ang iba pang malalaking kompanya tulad ng GLOBE, SUN, PLDT, at iba pa?

Ayon sa grupong masigasig na kumikilos  para  kontrahin  ang ordinansa, daang libong piso kada buwan ang dapat na ibinabayad na tax ng SMART sa Maynila, at kung susumahin milyong piso kada taon ang mawawala sa kaban ng lungsod ng Maynila dahil sa nasabing ordinansa.

Maituturing ba itong pagsabotahe sa ekonomiya ng bansa? Gaano katotoo ang isyung ito? Mag-react sana ang mga sumusubaybay ng kolum na ito at sana ay maliwanagan ang usaping ito ng tax exemption daw ng SMART para naman huwag isipin ni Juan dela Cruz na niloloko na naman siya.

Mag-text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag- email sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply