Health officer nanawagan na isulong ang breastfeeding

NANAWAGAN ngayon ang provincial health officer sa Lucena City sa pagsusulong ng programang breastfeeding upang maging malusog at makaiwas sa anumang sakit ang mga sanggol.

Ang programa ay ipinanawagan ni Dr. Agripino Tullas, provincial health officer na siya ring provincial nutrition action officer ng Quezon province, para sa mga ina ng bawat pamilya lalo na ang mga bagong panganak.

Ang panawagan ay kaugnay sa pagdiriwang ng buwan ng nutrisyon ngayong Hulyo 2011 na may tema na “Isulong ang breastfeeding, tama, sapat at eksklusibo”.

Ayon kay Tullas, kailangan ng mga ina ang pagpapasuso ng mga bata sa tamang pamamaraan sapagkat bukod sa makatitipid sa mga gastusin sa pagbili ng gatas ay magiging malusog pa ang mga bata. Hinikayat din niya ang mga ina lalo na ang mga bagong panganak na gawing malimit ang pagpapasuso upang dumami ang gatas ng mga bata.

Ayon sa Nutrition Foundation of the Philippines, Inc. at National Nutrition Council (NNC) ang gatas ng ina ay nagpapalakas ng resistensiya ng bata upang labanan ang mga sakit na hindi kayang ibigay ng mga ordinaryong gatas.

Samantala, ang Provincial Social Welfare and Developmet Office (PSWDO-Quezon) sa pangunguna ni Sonia Leyson ay nagpahayag din ng kanilang programa pagsusulong sa nutrisyon sa lalawigan ng Quezon
tulad ng supplemental feeding sa mga batang na may edad na limang taon pababa.

Ang Department of Education (DepEd)-Quezon na katuwang ng tanggapan ng panlalawigang agrikultor sa programang “Gulayan sa paaralan” ay may programa ding supplemental feeding sa mga bata.

Kabilang sa programang ito ang pagpapakain ng lugaw, sopas at malunggay.

Si Panlalawigang Agrikultor Roberto Gajo ng tanggapan ng panlalawigang agrikultor ay may mga programa namang patuloy na ipinatutupad sa lalawigan ng Quezon kagaya ng “Gulayan sa paaralan” na naglalayong makapagtanim pa ng mga masusustansiyang gulay sa mga paaralan upang matiyak na may kakaining gulay na masusustansiya ang mga bata upang maging malusog.

Kaugnay nito, patuloy ding isinasagawa ng tanggapan ng panlalawigang agrikultor tuwing Biyernes sa Perez Park sa kapitolyo ng Quezon ang “Tiangge sa Parke” o organic tiangge na naglalayon namang maibenta ang mga produktong agrikultura ng mga magsasaka sa lalawigan ng Quezon.

Layunin din nito na makabili ang mga taga Quezon ng mga masusuntansiyang gulay at prutas. Ang mga programang ito ay patuloy na isinasagawa bilang suporta sa pagsusulong ng wastong nutrisyon gayundin upang malabanan ang malnutrisyon sa lalawigan ng Quezon. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply