House bill vs cyber sex isinulong

KALUSIN ang pornograpiya at mga cyber sex dens sa mga tahanan sa Codova , Cebu at iba pang lalawigan sa bansa.

Ito ang nilalaman ng resolusyon na isinumite ni Rep. Gabriel Luis “Luigi” Quisumbing ng 6th district ng Cebu na House Resolution No. 1488 na nag-aatas sa House Committee na mag-imbestiga para sa paggawa ng mga batas sa mga cyber sex dens na nag-uusbungan at naglipana sa buong bansa.

Binanggit ni Quisumbing ang mga nakalipas na operasyon ng mga awtoridad at ahensya ng batas kasama ang Cebu Provincial Women’s Commission sa dalawang barangay sa bayan ng Cordova kung saan nasagip ang mga bata na ginamit sa pornograpiya.

Ang mga cyber sex  dens na ito ay krimen na lumalabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Acts at RA 9775 o Anti-Child Pornography Act.

Noong Hunyo lamang ay nagkaroon ng operasyon ang National Bureau of Investigation at PWC kasama ang United States Department of Homeland Security sa Barangay Ibabao, bayan ng Cordova kung saan naaresto ang isang mag-asawa na ginagamit ang kanilang mga anak sa cyber sex. Nitong Hulyo ay tatlong menor de edad rin ang nasagip sa barangay Cogon sa Cordova pa rin sa isang cyber sex den.

Dahil sa mga pangyayari, tatlong  dayuhang bansa ang nagkaroon ng interes na tumulong sa mga awtoridad ng Pilipinas na lutasin ang suliranin sa mga cyber sex crimes at tuntunin din kung may mga nationals ng kanilang bansa na nagbabayad para sa mga malalaswang aktibidad.

Ang Australia, Amerika at Sweden ay nais magtayo ng pasilidad para sa pagtunton sa mga cyber sex activities at sanayin na rin ang mga lokal na awtoridad, NBI at mga prosecutors sa paghawak ng mga kasong tulad nito.

Handa naman umanong mag-bigay ng lugar para sa pasilidad laban sa cyber sex crimes ang Cebu sa pamumuno ni Gov. Gwen Garcia. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply