Hulyo ginawang ‘National Disaster Consciousness Month’

INIANUNSYO ng Department of Health (DOH) ang pag-obserba ng bansa sa buwan ng Hulyo bilang “National Disaster Consciousness Month.”

Ayon sa DOH, napapanahon ang pagdiriwang na may temang “Makialam. Makiisa. Sa Pagsugpo ng Panganib, May Maitutulong Ka” dahil sa nararanasang insidente ng mga emergency at disaster sa bansa.

Nabatid na patuloy na dumarami at lumalala ang mga disaster sa bansa kung saan noong nakaraang taon, ayon sa DOH, umaabot sa siyam na major emergencies na karamihan ay bagyo at mga flashflood ang tinugunan nila.

Sinabi ni Health Secretary Enrique Ona, kinakailangan ng vigilance at kahandaan ng bawat indibidwal at ng komunidad upang lumaki ang tiyansa ng mga ito na makaligtas sa anumang kalamidad.

Kaugnay nito, magdaraos ang DOH ng mga aktibidad para sa naturang pagdiriwang.

Sa Hulyo 4, magsasagawa ng kick-off activities sa lahat ng DOH central office, regional offices, at mga pagamutan upang pasimulan ang selebrasyon.

Sa Hulyo 7 naman, mula 2:00 hanggang 4:00 ng hapon, magsasagawa sila ng Basic Life Support Demonstration sessions sa 30 piling SM Malls sa buong bansa, katuwang ang SM Supermalls, SM Foundation, DOH hospitals, at regional offices.

Sa Metro Manila, ang mga naturang sesyon ay isasagawa sa SM Malls sa North EDSA, Sta. Mesa, Manila, San Lazaro, Megamall, Fairview, Novaliches, Valenzuela, Taytay, Marikina, Bicutan, Sucat, Southmall, Las Piñas, at Muntinlupa.

Makikilahok rin ang iba pang SM malls sa Clark, Baliuag, Bacoor, Dasmariñas, Rosario, Calamba, San Pablo, Sta Rosa, Lipa, Naga, Bacolod, Cebu, Cagayan, Davao, at Baguio.

Magdaraos rin ng earthquake simulation exercise sa Hulyo 21 sa apat na gusali ng DOH upang ma-test ang evacuation plans ng mga ito gayundin sa iba pang tanggapan ng DOH sa ibang rehiyon.

Sa Hulyo 27 naman, maglulunsad ang Health Emergency Management Staff (HEMS) ng iba’t-ibang publikasyon at web page sa Marriot Hotel, na ipamamahagi sa partner agencies at emergency managers, tulad ng Pocket Emergency Tool (4th edition), Documentation of Major Disasters, Responding to Health Emergencies Book 2, Safe Hospital, Beyond Data, Manual on SPEED, at SPEED Interactive.

“Let us always be vigilant and continue to arm ourselves with information in order to be safe,” ayon pa kay Ona.

Ang DOH ay miyembro ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC). Kyle Gatus

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply