Ilabas si Jonas Burgos

KAMAKAILAN ay inatasan ng Supreme Court ang Armed Forces of the Philippines na ilabas na si Jonas Burgos, anak ng kilala at iginagalang na dating peryodista na si Joe Burgos.

May apat na taon na rin ang lumipas simula ng puwersahang dukutin ng mga hinihinalang miyembro ng militar ang batang si Jonas habang kumakain sa isang fastfood sa loob ng isang mall sa Fairview, Quezon City noong Abril 28, 2007.

Magandang development ang ruling na ito sa panig ng pamilya ng biktima lalo na sa ina ni Jonas na si Ka Edith, na hindi na tumigil sa kanyang paghahanap simula pa lang ng unang araw na mawala ito.

Naiisip ko lang ang mga gabi na lumuluha ang nanay ni Jonas sa pag-aalala sa kung ano ang kalagayan ni Jonas  kaya malaking bagay para sa kanya ang positibong ruling na ito nang Korte Suprema.

Sobrang ayos na sana ang desisyon na ito.

Kaya lang ay may problema pa rin.

Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin mailitaw ng militar si Jonas dahil itinatanggi nila na nasa kustodiya nila ang biktima.

Kunsabagay ay naiintindihan ko kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin mailabas ng
military si Jonas kung sakaling hawak nga nila ito.

Pag ginawa nila ito ay parang inamin na rin nila ang matagal nang alam ng marami na sila nga ang dumukot kay Jonas.

Ang isa pa at mas nakatatakot na dahilan, ay ang pangamba na marahil ay wala na o patay na talaga si Jonas.

Sa ganyang sitwasyon ay talagang hindi na nga nila maaaring ibalik o ilantad pa ang biktima.

Ang kaso ni Jonas ay kagaya rin ng marami pang political activist at maging media practitioner na puwersahang dinukot ng hinihinalang mga militar at pulis at hanggang ngayon
ay hindi pa rin malaman ang kinasasapitan.

At sa ilalim ng bagong pamamahala ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ay inaasahan natin na mawawala at mahihinto na ang kasuklam-suklam na culture of impunity na ito.

At dahil alam ko na malapit din sa puso ng Pangulong Noynoy ang usapin ng human rights, tiwala ako na isa sa mga isyu na tatalakayin niya sa State of the Nation Address  sa darating na Hulyo 25 ay ang kaso nang mga “desaparecidos” na gaya ni Jonas at marami pang iba.

Panahon na para magsabi na nang totoo ang mga tao na respon-sable sa pagkawala ni Jonas Burgos at ilabas na si Jonas, buhay man o patay sa lalong madaling panahon.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply