Imbestigasyon ng Blue Ribbon tiniyak na may patutunguhan

TINIYAK ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Teofisto “TG” Guingona III na may kahihinatnan ang isinasagawa nilang imbestigasyon sa mga nakaraang anomalya at katiwalian ng nakaraang administrasyon.

Ang pagtiyak ni Guingona ay bunga ng ilang mga pagbatikos hinggil sa kawalan umano ng nangyayari sa mga isinasagawang imbestigasyon ng Senado na bukod sa nag-aaksaya lamang ng salapi ng bayan ay nagiging dahilan pa upang mabinbin ang pag-usad ng mga panukalang batas na kinakailangan sa pag-unlad ng kabuhayan ng bansa.

Tinukoy ng senador na sa ngayon ay malinaw na ang mga magagandang resulta ng isinasagawa nilang imbestigasyon tulad ng ginawang paghihigpit ng Department of Budget sa paglalabas ng intelligence fund, ang masusing pagsusuri ng Commission on Audit (COA) sa salaping nakalaan dito at ang pag-aalis ng mga resident COA sa mga ahensiya ng pamahalaan, partikular sa Defense Department.

Idinagdag pa ni Guingona na hindi niya masisisi ang ilang mga hindi naniniwala sa magandang kahihinatnan ng mga isinasagawa nilang imbestigasyon dahil sa mga nangyari noong nakalipas na administrasyon kung saan may nangyayari aniyang sabwatan sa pagitan ng mga taong gobyerno na nasasangkot sa katiwalian at sa tanggapang ng Ombudsman.

Bukas ay nakatakdang  ituloy ng komite ang pagsisiyasat sa nabukong pagbili ng dalawang segunda-manong helicopter ng Philippine National Police (PNP) kung saan inaasahang haharap sa pagdinig ang mga opisyal ng Manila Aerospace Trading Corporation (MAPTRA) na nagbenta ng mga chopper.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply