Imbitasyon sa ‘Pajero 7’ ipinadala na ng Senado

IPINADALA na ng Senado ang imbitasyon sa mga obispong isinasangkot sa kontrobersyal na pagtanggap ng mga mamahaling sasakyan mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na tinaguriang “Pajero 7.”

Ayon kay Senador “TG” Guingona, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, naipadala na sa tanggapan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang imbitasyon ng Senado upang pagpaliwanagin ang Pajero 7 na kinabibilangan nina Butuan Bishop Juan De Dios Pueblos, Cotabato Bishop Orlando Quevedo, Zamboanga Bishop Romulo Valles, Abra Bishop Leopoldo Jaucian, Isabela-Basilan Bishop Martin Jumoad, Ilocos Sur Bishop Ernesto Salgado at Bontoc Bishop Rodolfo Beltran.

Tiwala naman ang Malakanyang na maghihigpit na ang kasalukuyang pamunuan ng PCSO sa pagpapalabas nito ng pondo o sa pag-apruba sa mga kahilingan para sa donasyon.

Ang paghihigpit ay sa harap ng maraming iregularidad na kinasasangkutan ngayon ng naturang ahensya.

Ayon kay presidential spokesman Edwin Lacierda, maganda ang idudulot ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee upang matukoy aniya ang maling sistemang dapat baguhin ng PCSO.

Sinabi ni Lacierda na sa ngayon ay hintayin na lamang muna ang imbetigasyon ng Senado at ang rekomendasyong isusumite nito na siyang pagbabatayan ng PCSO sa mga repormang kanilang ipapatupad.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply