Kaalyado ni PNoy, nakinabang din sa PCSO funds

INAMIN ng kaalyado ni Pangulong Benigno “PNoy” Awuino III na si Sen. Teofisto Guingona III, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na gumamit din siya ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) upang magamit ng kanyang constituent na nagigipit sa pagpapaospital ng may-sakit.

Sinabi ni Guingona, noong kinatawan pa lamang siya ng lalawigan ng Bukidnon sa Kamara de Representantes, nakagagamit siya ng pondo ng PCSO para ipagamot ang kanyang mga kababayang maysakit.

“For a TB victim, for someone who is being operated, from time to time, I do recall. There’s nothing wrong with that, helping a person, a Filipino,” paglilinaw ng senador na bagama’t tumangging magsabi kung magkano ang nagamit niyang pondo ng PCSO.

Si Guingona ang chairman ng komiteng mangunguna sa pag-imbestiga sa PCSO fund mess noong nakaraang administrasyon, kung saan kabilang umano sa nabigyan ay ang mga Obispo at paring sumusuporta sa tumagilid na administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Nanindigan na ang isang mataas na opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na noon pang administrasyon ni dating pangulong Cory Aquino ay nakakatanggap na sila ng ayuda mula sa PCSO.

Ang anumang natatanggap nila ay ginagamit naman umano sa social services, poverty alleviation at socio-economic development.

Ayaw namang kagatin ni Guingona ang naging paliwanag ni Cotabato Archbishop Orlando Quevedo na napakinabangan ng mga taong nangangailangan ang pondong nakuha nila sa PCSO, sa pagsasabing kailangan pa nilang beripikahin ito mula sa kasalukuyang mga opisyal ng PCSO.

“Ayaw kong pangunahan, tingnan muna natin kung anong mangyayari,” ani Guingona.

Tikom din ang bibig ni Guingona kung ipapatawag niya ang mga kongresistang nakinabang din sa PCSO fund noong nakaraang administrasyon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply