Kadiring canteen inireklamo ng high school students

ISANG canteen sa isang pampublikong paaralan sa Tondo, Maynila ang inireklamo ng mga fourth year high school student kasama ang ilan nilang mga guro dahil sa umano’y kadiring kapaligiran nito.

Sa ginanap na People’s Day sa Manila City Hall, inisa-isa ng mga estudyante kabilang sa IV-1 at miyembro ng Supreme Student Government (SSG) ang kanilang mga naranasan sa naturang kantina, na pag-aari umano ng isang “Mitchelle Pineda.”

Nabatid din na ang mga natitirang pagkain sa naturang kantina ay itinatabi lamang saka muling ibinebenta sa mga estudyante.

Ayon kay Mary Jane Yam, presidente ng SSG ng Lakandula High School sa Gagalangin,Tondo, Maynila, na bukod sa napakamahal na bilihin, hindi umano makatao minsan ang ginagawa ng naturang kantina.

“Yon pong mga tirang pagkain, ibinebenta uli sa mga estudyante. May mga itlog po ng ipis ‘yung mga yema, tapos ‘yung mga nagsisilbi nakasando lang. Hindi sila maayos at kapag hindi bibili ‘yung estudyante sa canteen, pinapalabas nila,” ayon kay Yam.

Napag-alaman din na ang naturang kantina ay hindi kooperatiba para sa mga guro kundi personal na negosyo lamang ni Pineda.

Sinabi naman nina Grace dela Cruz, master teacher ng naturang paaralan, at Leonoro Launiano, adviser ng SSG, may walong taon nang nag-o-operate si Pineda sa naturang canteen.

Ang sitwasyong ito ay pinayagan umano ng dating prinsipal ng paaralan.

Sa pahayag ng dalawang guro, ang lahat ng canteen sa mga pampublikong paaralan ay ginagawang kooperatiba ngunit tanging ang canteen sa Lakandula High School lamang ang hindi kooperatiba.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply