Kahit bulok ang iniwanang bahay, itatayo pa rin ni PNoy

SIYENTO POR SIYENTONG magiging ganap na batas ang pagpapaliban sa eleksyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao makaraang lagdaan ni Pang. Noynoy Aquino ang Republic Act No.101-53. Maaring masabi natin na mababawasan na sa ARMM ang umiiral na bulok na sistema sa rehiyong ito.

Kabaligtaran sa mga tirada ng mga nagmamagaling na  kritiko, layunin lang ng Pangulo na maisulong ang interes ng mayorya ng mga tao sa ARMM sa pamamagitan ng pagpili ng OIC na walang intensyong tumakbo sa 2013.

Gains – Isang matinding hamon sa mga problemang ipinamana ni ex-Pres Gloria Arroyo ngunit nakahanda naman si Pang. Noynoy na tumugon dito. Naniniwala si Pang. Noy na mapagtatagumpayan niya ang laban dahil sa matibay na pundasyong inilatag nito para maisulong ang mga reporma.

Halimbawa rito ang mabuting pamamahala at pagbabalik sa tiwala ng publiko sa gobyerno sa pamamagitan ng integridad, katapatan, transparency at pananagutan.

Ito ang pangunahing nagawa ng administrasyong Aquino sa loob ng isang taon sa poder.

Pansamantalang nawala ang interes ng Filipino na  makisangkot sa mga nangyayari sa lipunan dahil sa nabubunyag na mga katiwalian sa panahon ng  gobyernong Arroyo.

Pondo – Inaprubahan na ni Pang. Noynoy ang panukalang P1.816 trilyong  pambansang badyet sa 2012 para isulong ang interes at ka-galingan ng mga Filipino. Mas mataas ng 10.12 % sa kasalukuyang P1.645 trilyong badyet ngayong taon upang matiyak na maipagkakaloob ang pangunahing serbisyo sa mga tao sa higit na nangangailangan.

Tama si Pang. Noy na tutukan ang limang pangunahing aspeto na kinabibilangan ng kampanya kontra katiwalian at pagsusulong ng mabuting pamamahala, pagsugpo sa kahirapan, pagsulong ng ekonomiya , makatarungan at wagas na kapayapaan.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply