Kampanya ng BIR pinasusuportahan ng Malakanyang

HUMINGI ng saklolo ang Malakanyang sa taumbayan na suportahan ang pinaigting na kampanya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na makakalap ng mas malaking pondo ng pamahalaan para sa mga developmental projects na sa kalaunan ay magreresulta ng tunay na progreso at development sa bansa.

Hinikayat  ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. ang taumbayan lalo na ang mga nasa professional sector na ideklara ang kanilang annual income at maayos na bayaran ang kanilang buwis gaya ng ipinanawagan ni Pangulong Benigno Aquino III.

“The President wants to encourage taxpayers, especially the professionals to truthfully declare their income and file their correct taxes, at doon nga sa  ganoon kaliit lang na ibinabayad nila ang laki-laki ng impact,” anito.

Sinabi rin nito na kung magbabayad ng tama ang nasa professional sector ay malaki ang maidaragdag nitong tulong sa pamahalaan.

Binigyang diin pa ni Ochoa ang kahalagahan ng tiwala ng taumbayan sa gobyerno kung saan ay tiniyak nito na ang perang nakokolekta ng revenue collection agency ng pamahalaan ay direktang napupunta sa national treasury.

“At palagay ko, ang mas importante dito is the philosophy, magtiwala kayo sa amin…sa gobyerno, hindi naming wawaldasin iyan,” ani Ochoa sabay sabing” Kailangan ng gobyerno ng kaukulang pondo para sabay-sabay tayo sa pag-unlad at para ma-implement ang projects natin,” ayon kay Ochoa.

Batay sa istatistika ng BIR, tinatayang 1.7 milyon ang self-employed at professional tax payers na kinabibilangan ng mga abogado, doctor at negosyante kung saan mula sa mga ito ay nakakolekta ng buwis ang gobyerno ng P9.8 billion para sa taong 2010.

Sinasabing kada isa sa mga ito ay nagbabayad lamang ng P5,783 ng kanilang income tax na dapat sana ay P8,500 kada buwan.

Samantala, sinabi ng Chief Executive na hindi lamang mga konkretong proyekto ng pamahalaan ang apektado ng hindi pagbabayad ng tamang buwis ng nasa professional sector kundi maging mga benepisyong ibinibigay ng pamahalaan sa mga mahihirap na Filipino.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply