Karpintero binurdahan ng saksak, utas

PATAY ang isang karpintero makaraang pagsasaksakin ng isang lalaki habang natutulog kasama ang kanyang kasintahan sa loob ng isang barracks sa Quezon City Sabado ng madaling araw.

Kinilala ni chief Inspector Rodelio Marcelo, hepe ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), ang biktima na si Teofilo Sotomayor Jr., 33, may-asawa, karpintero ng Barangay Castillo, Pagbilao, Quezon.

Si Sotomayor ay nasawi matapos isugod sa Novaliches District Hospital dahil sa mga tinamong tama ng saksak sa kanyang katawan.

Agad na tumakas ang suspek na si Marjon Mancia Palameni, 24, walang trabaho at tubong Mindanao, Cagayan de Oro City.

Sinabi sa ulat ng QCPD-CIDU, naganap ang insidente dakong 2:30 ng madaling araw sa loob ng isang barracks sa No. 3 Magsaysay St., Brgy. Dona Faustina, Quirino Highway Novaliches, QC.

Sa ulat ni PO3 Pascual Fabreag officer on-case, natutulog umano ang biktima kasama ang kanyang girlfriend na si Michelle Homaynon sa kanilang barracks nang pasukin ng suspek at walang sabi sabing inundayan ng saksak.

Sinabi ng witness na si Homaynon sa pulisya na ang suspek ay dati umano niyang lover at naghiwalay sila nito lamang nakalipas na Hunyo 8, 2011.

Ito umano ang naging dahilan para magalit ang suspek sa biktima na labis na nagselos at kung bakit naganap ang insidente.

Pinaghahanap na ng mga pulis ang tumakas na suspek para papanagutin ito sa kanyang ginawa.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply