Kaso sa fertilizer fund scam gumulong na

MATAPOS ang mahaba-habang panahon, pinagulong na rin ng Office of the Ombudsman ang kasong plunder na inihain laban sa mga dating opisyal ng Department of Agriculture (DA).

Iniutos na kasi ni Acting Ombudsman Orlando C. Casimiro ang pagsasampa ng plunder charges sa kaukulang korte laban kina dating Agriculture Secretary  Luis Ramon “Cito” P. Lorenzo, Undersecretary Jocelyn “Joc-Joc” Bolante, Assistant Secretary Ibarra T. Poliquit at iba pang matataas na opisyal ng DA kaugnay nga ng P728-M Fertilizer Fund Scam.

Sinabi ni Casimiro na may sapat na batayan para makasuhan sina Lorenzo at Bolante na nakipagsabwatan umano sa iba pang opisyal para maisakatuparan ang nasabing maanomalyang proyekto.

Hindi rin kinatigan ni Acting Ombudsman Casimiro ang motions for reconsideration na isinumite ng mga nabanggit na akusado.

Gayundin ang naging desisyon nito sa motions for reconsideration na inihain nina dating Congresswoman Nanette Castelo-Daza, dating Marinduque Governor Carmencita Reyes at dating Governor Leandro B. Verceles, Jr.

Sinampahan din ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) ang nasabing mga lokal na opisyal.

Kasong kriminal naman bunsod ng malversation ang inihain laban kay DA Regional Directors Cesar D. Rodriguez, Dennis B. Araullo, Ricardo D. Oblena, Leo P. Caneda, Oscar O. Parawan, Roger C. Chio, Sumail K. Sekak at Eduardo B. Lecciones, Jr.

Sinibak din ni Acting Ombudsman Casimiro sa serbisyo sina Poliquit, Oblena, Araullo, Caneda, Parawan, Rodolfo M. Guieb, Balagtas K. Torres, Abelardo Bragas, Felix Ramos, Ofelia Montilla at Gregorio Sangalang, lahat mula sa DA; at Rodolfo G. Malinana, Ireneo C. Del Rosario, Roger M. Pitajen, at Herbert DLS Evangelista, Sr., lahat ay opisyal ng Provincial Government ng Catanduanes. Robert C. Ticzon

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply