Kaso vs GMA pinamamadali ni Casiño

PINAMAMADALI ni Bayan Muna Party-list Rep. Teddy Casiño sa Department of Justice (DOJ) ang aksyon sa isinampang kasong plunder laban kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo.

Ani Casiño, patatatagin lamang naman ng DOJ saka iiendorso sa Office of the Ombudsman ang reklamo laban sa dating Pangulo bago maisampa sa Sandiganbayan.

Ito ay mga kasong may kaugnayan sa NBN-ZTE Broadband deal kung saan dawit din ang asawa nitong si dating First Gentleman Mike Arroyo, dating Comelec Chairman Benjamin Abalos at NEDA director Romulo Neri.

Noong nakaraang Hulyo 1 (2011), isang taon na ang pagkakahain ng kaso laban kay Arroyo sa DOJ ngunit tanging sina Abalos at Neri pa lamang ang may kaso sa Sandiganbayan kaugnay sa NBN broadband deal.

Giit pa ni Casiño, dapat sundin ni Justice Secretary Leila de Lima ang utos ni Pangulong Benigno Aquino III na siyasatin ang mga ganitong anomalya sa gobyerno upang managot sa batas ang mga naging tiwali noong nakalipas na administrasyon.

Samantala, inihayag naman ni Rep. Neri Colmenares ng Bayan Muna na posibleng maabsuwelto pa rin si Arroyo sa kontrobersyal na P728 milyong fertilizer fund scam kahit pa nag-utos na si Ombudsman Casimiro na bumuo ng fact finding commitee na mag-iimbestiga sa pagkakasangkot ng dating Pangulo sa naturang anomalya.

Ayon kay Colmenares maaari kasing ikatwiran ni Ginang Arroyo na hindi siya maaaring madiin sa naturang anomalya lalo pa at una nang tinukoy ng Ombudsman na mastermind dito si dating Agriculture Secretary Jocelyn “Joc-joc” Bolante.

Kahit huli na ay magandang senyales pa rin ayon kay CIBAC Party-list Rep. Sherwin Tugna ang desisyon ng Ombudsman na imbestigahan si Arroyo upang mabatid ng sambayanan ang katotohanan sa naturang isyu.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply