Kaunlaran laging may kaakibat na problema

SA BAWAT pag-asenso ng isang lugar ay tiyak na may kaakibat itong mga posibleng problema. Tulad na lang ang kaganapan diyan sa katimugang bahagi ng Zambales kung saan itinayo ang Hanjin shipyard sa Redondo Peninsula ng Subic Bay na  ngayo’y nag-eempleyo na ng mahigit dalawampung libo na katao.

Mula sa simpleng agricultural localities ng mga bayan ng Subic, Castillejos, San Marcelino at San Antonio, biglang lumobo ang populasyon sa mga bayang nabanggit dahil sa pagdagsa ng mga tinaguriang transient workers na nagmula pa sa malalayong lugar hindi lamang dito sa Luzon kundi maging sa Visayas at Mindanao.

At siyempre, kailangan ng mga dayong manggagawa na ito ang matutuluyan habang sila ay nagtatrabaho sa dambuhalang pabrika ng barko kaya kinailangan nilang mangupahan.

Sinamantala naman ito ng mga taal na residente at ang mga dating kamalig ng palay, garahe ng sasakyan at maging dating kulungan ng alagang baboy ay kinonbert na bilang mga kuwartong paupahan. Nagsulputan na rin ang mga ipinagawang bagong bahay na parang dormitoryo.

Dito na pumapasok ang suliranin dahil sa hindi naman mahigpit na ipinatutupad ang building code sa mga munisipalidad rito. Nakaligtaan nang bigyang pansin ang kaligtasan ng mga mangungupahan.

Nagmimistulang pugon ang ilan sa mga paupahang kuwarto dahil sa kakulangan ng bentilasyon habang mayroon ding walang itinakdang mga emergency fire exit na naglalagay sa peligro sa buhay sakaling magkasunog.

Marapat lamang na magsagawa ng pag-inspeksyon sa mga paupahang bahay o kuwarto ang mga kinauukulan sa bawat munisipalidad dito upang maiwasan ang sisihan sa bandang huli kapag nagkaroon ng aberya.

o0o

Nagsimula na palang manungkulan si dating punong lalawigan ng Bulacan Josefina Mendoza  dela Cruz bilang Postmaster General ng central post office.

Kung gaano kainit ang pag-tanggap ng mga empleyado sa kanya ay ganoon din kainit ang sunog na tumupok sa isang bahagi ng gusali sa Liwasang Bonifacio.

Sa karanasan at kakayahan ni Josie ay mabibigyan niya ng panibagong sigla ang post office sa paghahatid ng makabagong sistema at mga pagbabago sa gitna ng modernisasyon na dulot ng latest electronics media communication.

o0o

Mabuhay ang pamunuan ng National Press Club president Jerry Yap at ang Alyansa ng Filipinong Mamamahayag president Benny Antiporda sa kanilang proyektong pabahay sa Pulilan, Bulacan para sa mga lehitimong kasapi ng dalawang samahan.

Maraming salamat po sa inyong dalawa sa pagpupunyagi.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply