Kawawang mga obispo panakip-butas lang

ANG sabi ng ilang kusinero sa Malakanyang, ang mga obispong Katoliko lang ang sangkot sa katiwalian sa Philippine Charity Sweepstakes Office. Wala nang iba pa.

Batay umano ito sa rekord ng Commission on Audit.

Walang ibang mga lider ng ibang mga simbahan sa Pilipinas ang natagpuang nagsawsaw ng maruming daliri sa PCSO.

Maaaring totoo, maaaring hindi. Pero paano kung isang araw ay bigla na lang bumulaga na iba pala ang katotohanan at kasinungalingan lang ito? Sa pagkakaalam kasi ng ating Uzi, sanrekwang ibang lider sa ibang mga relihiyon ang nakikinabang din sa PCSO. Maaaring sa ibang paraan nga lamang at hindi sa pamamagitan ng Pahero.

Obispo magsasauli ng sasakyan

Pero may magandang side naman ang mga obispo.

Ginagamit nila umano sa pag-ahon sa hirap ng mamamayan ang mga sasakyan.

At isa nang obispo ang nagsabing handa niyang isauli ang sasakyang napunta sa kanyang simbahan.

Eh ang mga kawatan o korap diyan sa PCSO, magagawa ba nila ito sa kanilang kinokorap diyan?

Panakip butas ang mga obispo

Sinasabi ng PCSO na walang salapi ang PCSO ngayon dahil binangkrap daw ni Aling Gloria.

Sino ang pinagloloko ng mga Boss diyan?

Ayon kay ex-Chairman Manoling Morato, kumikita ang PCSO ng P30 bilyon taon-taon.

Tiyak namang totoo ito dahil galing nga riyan si Manoling.

Ipagpalagay nating totoo na may utang ang PCSO na P4 bilyon dahil sa mga maiiskandalong kontrata ni Aling Gloria, bangkrap pa rin ang PCSO kahit may P30 bilyon itong kita taon-taon?

Naiisip tuloy ng mga biktima ng pagmamaramot ng PCSO na panakip-butas lang ang isyu sa mga obispo sa hindi makatwirang pagdadamot sa mga maysakit ng kasalukuyang pamunuan ng PCSO.

At kung bakit nagdadamot ang PCSO ay ‘di natin alam.

Basta ang alam natin, dahil sa pagtigil ng tulong sa mga nangangailangan ng malaki-laking tulong ng PCSO, marami sa mga ito ang namamatay.

Magtanong pa kayo sa mga naulila na pinapabalik-balik at misteryosong nawawalan ng request diyan sa PCSO hanggang sa mamatay na lang ang kanilang kamag-anak o pasyente.

oOo

Anomang reklamo ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado, 3-4 P.M., www.remate.ph o itawag sa 09214303333.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply