Kelot nangingikil gamit ang pekeng brgy. certificate, tiklo

INARESTO kahapon, Biyernes, ng mga barangay officials ang isang 62-anyos na lalaki na responsable sa paggamit ng pekeng barangay certificate para sa pagso-solicit ng pera sa mga pulitiko.

Hawak na ngayon ng Manila City Hall Detachment ang suspek na si Elpidio Modrigo, ng 106 Basilio St.,Alabang Muntinlupa City na naaresto dakong alas-4:00 ng hapon.

Ayon kay Chairwoman Milaflor Sabado, ng Brgy. 870 Zone 95, District 6 Pandacan, Maynila, tatlong linggo pa lamang umano ang nakalilipas na madiskubre nitong may namemeke ng kanilang barangay certificate na ginagamit sa pangongolekta ng pera sa mga kongresista at konsehal na sakop ng nasabing distrito.

Agad na naalarma si Chairwoman Sabado kaya nagpadala siya ng sulat sa lahat ng kanilang konsehal at kongresista na huwag basta-basta tatanggap ng anumang solicitation at medical assistance na mula sa kanilang barangay na may mga pekeng pirma ng punong barangay, secretary at mga kagawad.

Ayon pa sa punong barangay, marami na umnong nakolekta ang suspek sa pamamagitan ng modus operandi nito kasama ang iba pa kung saan isa umano si Congressman Sandy Ocampo ng ika-6 na distrito ang nakapag-release ng P3,000.

Bunsod nito, pinulong ni Sabado ang kanyang mga kagawad para mahuli ang suspek sa pakikipagkoordina ng mga city councilor ng nasabing distrito.

“Nagsagawa kami ng entrapment at bawat kagawad ko ay pumoste sa mga opisina ng mga councilor sa Manila City Hall.”

Nang positibong kukunin na ni Modrigo ang mga ipinakalat na solicitation ay mabilis na itong dinakma ng mga kagawad ng barangay.

Nabatid na bukod kay Modrigo ay mayroon pang iba pa at mastermind sa kanilang modus operandi kaya puspusan pa rin ang isinasagawang pagmamanman ng mga tauhan ni Sabado sa mga suspek.

Nakatakda namang sampahan ng kaukulang kaso ang suspek kasama ang iba nitong kasamahan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply