Kiko di nagsisisi sa proklamasyon ni GMA noong 2004

HINDI pinagsisisihan ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan kung naging kasangkapan siya sa pagtatakip ng dayaan sa presidential elections noong 2004 nang siya mismo ang nagproklama kay dating Pangulong  Gloria Macapagal Arroyo bilang siyang nanalo sa nasabing halalan.

Inihayag ito ni Pangilinan sa harap nang pag-amin ni dating Maguindanao election supervisor Lintang Bedol na nagkaroon ng malawakang dayaan noong 2004 presidential elections na nagresulta sa pagkapanalo ni Arroyo laban kay yumaong Fernando Poe Jr.

“Nalulungkot tayo sa mga lumalabas na balita ng pandaraya ngunit wala tayong dahilan na magsisi dahil nung mga panahon na iyon ay haka-haka pa lamang at wala pang matibay na ebidensiya o umaamin o nahuhuli sa wiretap na gumagawa ng kalokohan,” paliwanag ng senador na tulad ng dating Pangulo ay taga-Pampanga rin.

Kasama si Pangilinan bilang co-chairman ng National Canvassing Board na bumilang sa 180 certificates of canvass noong 2004 presidential elections.

Hindi pinansin ng senador ang mga reklamo ng oposisyon hinggil sa mga di-pagkakatugma ng mga dokumento.

Kahit humihirit ang kampo ng yumaong movie king Fernando Poe Jr., kabilang na dito si Sen. Francis “Chiz” Escudero na noon ay kinatawan pa lamang ng Sorsogon, na pabuksan ang election returns, sinasagot lamang ito ng esposo ni Sharon Cuneta ng “noted.”

Sa kabila nito, nanindigan si Pangilinan na ang mga reklamo ng dayaan ay hindi dapat idinadaan sa canvassing ng boto kundi sa Presidential Electoral Tribnal (PET).

“Base sa Saligang Batas ang pandaraya ay hindi sa canvassing board kundi sa electoral tribunal nililitis,” ayon kay Pangilinan.

Ganito rin ang naging pasya ni Enrile bilang co-chair ng canvassing committee nung nagkaroon ng mga alegasyon ng pandaraya sa computerized elections nung 2010,”diin ni Pangilinan.

Sinusuportahan naman ng senador ang panawagan na buhayin ang imbestigasyon sa “Hello, Garci” scandal o ang dayaan sa pampanguluhang halalan noong 2004.

Nahuling nakipag-usap si dating Pangulong Arroyo kay dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano na tila nakikialam sa resulta ng mga boto sa Mindanao.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply