Kodigo Penal panahon na para baguhin – Ochoa

BINULGAR ni Executive Secretary Paquito Ochoa na pinag-aaralan na ng Malakanyang ang mga pagbabago sa Kodigo Penal ng bansa upang mas epektibong malabanan ang kriminalidad.

“The criminal justice system must be upgraded. Para hindi humirap ang pagpro-prosecute, at hindi rin maapi ‘yung mga hindi guilty na napro-prosecute,” ani Ochoa.

Ang Kodigo Penal ng Pilipinas ay unang isinabatas nuong 1930 bilang kapalit ng Spanish Penal Code, na umiral simula 1886.

Sa ilalim nito, itinuturing na krimen ang mga gawaing karaniwang tinuturing na labag sa moralidad, katulad ng pagkitil ng buhay ng tao, panggagahasa, pagnanakaw at kataksilan.

Nakasaad din sa Kodigo Penal ang mga elementong nagtatakda para sa pagkakakilanlan ng isang krimen, at kung paanong ang mga elementong ito ay siyang magpapatibay ng isang kaso nang walang pagdududa.

Gayunman, marami na umanong mga gawain tinuturing na krimen ngayon na dapat patawan ng kaparusahan ay hindi nakapaloob sa Kodigo Penal.

Kabilang dito ang illegal possession of fire arms, mga gawaing na may kinalaman sa paggamit at pagbebenta ng droga, at terorismo.

Bagama’t sumailalim na sa rebisyon ang Kodigo Penal ng Pilipinas noong 1972, nanatili umano itong malabnaw at mapurol.

Ayon kay Ochoa, kapansin-pansin ang kakulangan nito sa komprehensibong pagtataya sa uri at kalagayan ng isang krimen, at kung anong uri ng parusa ang maaaring ipataw sa nagkasala.

“Kasi, marami ngayon nagkakaroon ng confusion, lalo na sa mga imbestigador natin. Ano bang crime ang tamang i-charge sa offender? What’s the difference between robbery and theft, qualified theft, robbery with kidnapping, etc. Even lawyers are confused, and even judges are getting confused,” sinabi pa ni Ochoa.

Isa sa mga mahalagang pagbabago na nakikita ni Ochoa ay ang mga probisyon sa Kodigo Penal na may kinalaman sa seguridad ng bansa.

Aniya, nakapaloob sa isang nakahiwalay na batas, ang Human Securities Act, ang mga probisyon na may kinalaman sa terorismo sa Pilipinas. Inamin naman ni Ochoa na maging ito ay may kakulangan din.

“Even yung Human Securities Act, yung definition ng terrorism there is medyo flawed because ‘yung act of terrorism kailangan must be directed against the government,” ang sabi ni Ochoa.

Dagdag pa ni Ochoa, ito ang dahilan kung bakit sa Pilipinas ay napakahirap makasuhan ang sinuman pagdating sa usapin ng terorismo.

Inamin ng kalihim na hindi ganoon kadali ang pagbabago sa Kodigo Penal.

“Mahabang usapan iyan. Kailangan diyan may Code Commission. Maraming expert diyan na ating kokunsultahin,” aniya. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply