Kolorum nagkalat sa Novaliches

HINDI lang mga van na bumibiyahe patungong Cubao, Monumento, Trinoma o SM North at SM Fairview ang kolorum sa Novaliches, Quezon City subalit maging mga pampasaherong jeep na may tatak lang ng kanilang ruta sa gilid ng kanilang sasakyan.

Nagkalat ang mga ito sa nasabing lugar dahil hindi naman sinisita ng mga nagtatrabaho sa pamahalaan na dapat ay nagpapatupad ng batas sa nasabing lugar.

Ang masakit nito, maririnig mo pa sa bibig ng mga tsuper ng mga kolorum na sasakyan na hindi sila kayang hulihin lalo na ng mga traffic enforcer na nagkalat sa Novaliches dahil pulis, taga-LTO, taga-HPG o taga City Hall ang may-ari ng sasakyang kanilang ipinapasada bukod pa sa ipinagmamalaki nila ang tara na ibinibigay sa iba’t ibang unit o ahensiya na nakasasakop sa lugar ng kanilang operasyon.

Aba’y dapat na kumilos ang tanggapan ni Ret. Gen. Elmo San Diego, hepe ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng Quezon City, upang hulihin ang mga tsuper ng mga kolorum na sasakyan dahil nagmumukhang tanga at palamuti lang ang kanyang mga tauhan kapag usapin na ng kolorum na sasakyan.

Bakit hindi hulihin ng pulis at TE na nakatalaga sa Novaliches ang mga nasabing sasakyan para mabatid nila na ang ipinanlalabang driver’s license ng mga ito ay talahib o di naman kaya ay peke na ipinagawa lang sa Recto o gilid ng LTO.

Gen. San Diego, sinisira ng ganitong mga klasesng tao ang iyong prinsipyo at pangalan na matagal ng iningatan.

Ngayon pa lang ay dapat mong pakilusin ang mga tauhan mo.

Dapat ring kumilos ang mga tauhan ng QC Police District Traffic Enforcement Unit (QCPD-TEU) para mahuli ang mga kolorum na pumapasada sa lungsod.

Minsan, wala na lang magawa ang mga pasahero kapag ang kolorum na sinakyan nila ay dumaan na sa kung saan-saan dahil umiiwas sa ruta upang mapadali ang kanilang biyahe.

Idamay na rin ang mga kolorum na tricycle na bumibiyahe sa Nova-liches at Caloocan.
Karamihan sa mga tsuper nito, wala na ngang prangkisa ay wala pa ring lisensiya.

Ang tricycle na kolorum ay karaniwang hindi tumutuloy sa paradahan at sa halip ay nagtatago sa Save More dahil bihira namang may traffic enforcer sa lugar na iyon bukod pa sa ang iba ay nagbibigay ng padulas kapag sila ay hinuhuli.

Kung hindi pa rin kikilos ang mga taga-QCPD-TEU, DPOS at maging ang Tricycle Regulatory Unit (TRU), sino pa ang kikilos para sa lungsod?

Siguro ang dapat nang tawagan ng pansin ay ang Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Highway Patrol Group.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply