Kongresista na may STL share pinakakasuhan

DAPAT kasuhan ng Office of the Ombudsman ang isang kongresistang pumarte sa kita ng small-town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at hindi makapagbigay ng liquidation documents.

Ganito ang pagkalampag ni Sen. Panfilo Lacson sa Ombudsman matapos maibulgar sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sa pamumuno ni Sen. Teofisto Guingona III. na kumukuha ng share ang mga kongresista na may STL sa kanilang nasasakupan.

Ayon kay Lacson, kailangang magpakita ng ebidensiya ang mga kongresista na napunta sa “charitable purposes” ang perang binigay sa kanila ng STL operators.

Malaking problema aniya ang hinaharap ng sinumang mambabatas na gumastos o personal na gumamit ng nasabing pondo.

“Ang dapat i-liquidate nila sa Commission on Audit kung paano nila ginastos ang share nila at kung hindi nila maipaliwanag, nararapat lang na kasuhan sila sa Ombudsman,” giit ng senador.

Hinihintay pa ng Senate Blue Ribbon Committee ang listahan ng mga kongresistang nakatanggap umano ng kanilang share sa kita ng STL na ipinangako ng kasalukuyang administrasyon ng PCSO.

Nitong Lunes, sa ikalimang pagdinig ng komite sa maanomalyang paggamit ng PCSO funds noong administrasyong Arroyo, inamin ni PCSO board member Atty. Ma. Aleta Tolentino na ang bawat congressional district na mayroong STL operation ay nabibigyan ng 2.25 porsiyento ng kita nito, habang ang Philippine National Police (PNP) ay mayroon 5 porsiyento.

Sa kanyang pagdalo sa pagdinig, inamin ni Atty. Fidela Tan, chairman ng Commission on Audit (COA) na wala silang hawak na dokumento upang matukoy kung saan ginamit ng mga kongresista ang share na nakuha sa kita ng STL.

Tutol si Lacson sa pagbibigay ng share sa mga kongresista dahil hindi naman sila kasama sa paglaban sa illegal numbers game na jueteng.

Aniya, makatuwiran pa na bigyan ng share ang PNP at local government na siyang direktang lumalaban sa jueteng.

Kinukuwestiyon naman ni Guingona ang bagong pamunuan ng PCSO kung direktang natanggap naman ng mga PNP regional office ang perang ibinibigay ng PCSO sa pulisya kaya’t ipinatawag ang liderato ng PNP upang magpaliwanag sa isyu.

Nakatakdang ilantad sa Martes ng PCSO ang listahan ng mga kongresista na tumanggap ng share mula sa STL, partikular ang nagpatuloy at tumigil na tumanggap noong 2009.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply