Kontraktuwalisasyon sa gobyerno pinaiimbestigahan

PINASISIYASAT ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano sa House Committee on Civil Service and Professional Regulation ang aniya’y umiiral na sistema ng contractualization sa gobyerno, na hindi makatarungan para sa mga kawani dahil binabalewala nito ang garantiya sa trabaho at pagsisilbi sa pamahalaan.

Batay sa kanyang House Resolution 1174, nanawagan siya sa komiteng pinamumunuan ni Leyte Rep. Andres Salvacion Jr. na alamin kung may kapabayaan ang gobyerno at mga tanggapan ng pamahalaan sa paglaganap ng kontraktwalisasyon at iba pang uri ng ‘di makatarungang pagpapatrabaho sa mga empleyado.

Sinabi ng mambabatas na base sa mga datos ng Civil Service Commission, tumaas ang bilang ng mga non-career personnel sa gobyerno mula 159,887 noong 2008 hanggang 161,146 sa 2nd quarter ng 2010. “Ang mga Casual employees ay bumubuo sa 60.8 porsiyento o 97,951 kawani sa talaan ng 2010, habang ang contractual at co-terminus na kawani ay nagtala ng 21,315 o 13.2 porsiyento at 19,624 o 12.2 porsiyento, ayon sa pagkakasunod. Karamihan sa mga non-career personnel ay nakatalaga sa mga tanggapan ng pamahalaang nasyunal, government-owned-and-controlled corporations at mga lokal na pamahalaan.”

“Ilan sa mga tanggapan ng pamahalaan na dapat na imbestigahan ay ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na laganap ang contractual, casual at iba pang non-permanent appointments. Mahigit sa 2,000 kawani nito ay natanggal sa trabaho nito lamang Pebrero. Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay mayroong mahigit na 2,000 project-based at regular MOA-based employees na walang tinatawag na employee-employer relationship. Ang Philippine Sports Commission (PSC) naman ay mayroong 200 contractual kawani na napipilitang tanggapin ang job order status makapagtrabaho lamang sa gobyerno,” ani Mariano.

Sinabi pa ni Mariano, 13 contractual employees mula sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System Corporate Office, na nakapaglingkod na ng mahigit sa 10 taon ay natanggal sa trabaho noong Enero. Ang Intramuros Administration ay napaulat din na, 43 casual employees na naglingkod mula 13 hanggang 17 taon ay ibinaba ng posisyon sa job orders.

Nababahala si Mariano sa umiiral na kontraktuwalisasyon sa pamahalaan dahil hindi aniya ito ang ginagarantiya ng mga batas hinggil sa security of tenure ng mga kawani ng pamahalaan. Nais niyang malaman kung may kapabayaan ang pamahalaan sa sistemang ito at ano ang epekto nito sa mga kawani upang ganap na itong maiwasto.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply