Koreanong nandaya sa casino natimbog sa Pinas

HINDI akalain ng isang Korean national na matutunton pa siya ng mga awtoridad ng South Korea sa Pilipinas matapos na masakote ito ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) kamakailan.

Sa isang kalatas, kinilala ni BI Commissioner Ricardo David Jr. na ang Koreano na si Kim Tae Dong, 54, ay naaresto sa Ortigas Business Center, Pasig City noong Hulyo 5.

Inaresto si Kim sa bisa nang ipinalabas na mission order ni David sa mga tauhan ng BI Fugitive Search Unit sa pamumuno ni Uso Dan Salasim.

Nauna nang humiling ng ayuda ang Korean embassy sa tanggapan ni David upang masakote si Kim dahil sa inilabas na warrant of arrest sa kasong hinaharap ng akusado sa Dongbu district court sa Seoul, South Korea.

Ang asunto ay bunsod ng ginawang pandaraya umano ni Kim, kasama na ang siyam pang kababayan sa Walkerhill Hotel and Casino sa Seoul noong 2010.

Pinapurihan din ni David ang mga operatiba dahil sa pagtanggi ng mga ito sa P200,000 suhol na iniaalok ni Kim para ito makalaya.

Ayon naman kay BI Intelligence Chief Maria Antonette Bucasas-Mangrobang, nalinglang umano ng grupo ni Kim ang casino sa larong Bacarrat sa pamamagitan ng paghikayat sa dealer na muling gamitin ang card na wala ng balasahan.

“Sa pamamagitan nito, natatandaan ng mga akusado kung ano ang susunod na ilalabas na card upang matalo ang iba pang manlalaro,” paliwanag pa ni Mangrobang kung papaano nagogoyo ng mga akusado ang casino.

Sa datos ng kawanihan, dumating sa Pilipinas si Kim noong nakalipas na Abril at nakakuha ito ng working visa mula sa kawanihan.

Gayunpaman, binale-wala na ng kawanihan ang ibinigay na visa kay Kim dahil pinaghananap ito ng batas at isang hindi kanais-nais na dayuhan sa bansa.

Ilalagay din sa talaan ng mga personalidad na hindi na makakapasok pa ng Pilipinas ang pangalan ni Kim. Freddie Cortez

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply