Kotongerong MMDA traffic enforcer balik selda

BALIK selda ang dating traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na may kinakaharap pang kaso ng pangingikil at usurpation of authority nang muling madakip dahil sa pagtatangka muling mangikil sa isang dayuhang motorista Miyerkules ng gabi sa Pasay City, sa ulat ng pulisya ngayon, Huwebes.

Nakasuot pa ng uniporme ng traffic enforcer ng MMDA si Klifford Bulingking, 37, residente ng Blk 126 Lot 2 Karangalan St., Cainta nang dakpin nina SPO1 Joselito Celo at PO3 Aurelio Bodo ng MMDA Task Force Lawin habang nakasakay pa sa kotse ng isang dayuhan na kanyang sinita dahil sa paglabag sa Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding sa kanto ng Roxas Boulevard at EDSA dakong alas-siyete ng gabi.

Nang hingan ng ID ng mga pulis si Bulingking para patunayang miyembro pa nga siya ng MMDA, wala itong maipakita kaya dinala siya ng mga pulis sa headquarters ng Pasay police upang sampahan ng panibagong kasong usurpation of authority.

Tumanggi namang maghain ng reklamo ang dayuhang motorista na sinita ni Bulingking at ikinatuwiran na paalis na rin siya ng bansa bagama’t kinumpirma niya sa mga pulis na hinihingan siya ng lagay ng suspek nang sumakay pa sa passenger seat ng kanyang sasakyan.

Napag-alaman na may nakabimbin pang kasong sa Pasay City Metropolitan Trial Court si Bulingking matapos madakip din kamakailan ng Task Force Lawin dahil sa pagpapanggap bilang MMDA traffic enforcer at nangingikil ng mga motorista sa Pasay Rotonda. Johnny F. Arasga

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply