Land reform hindi referendum (2)

NANG mamatay si Pangulong Ramon Magsaysay noong 1958, binili ng mga Cojuangco ang Hacienda Luisita sa pamamagitan ng utang na ipinagkaloob ng GSIS – Government Service Insurance System at Manufacturers Trust ng New York taglay ang garantiya ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Pero may kondisyon: pagkaraan ng sampung taon – ang Hacienda Luisita ay mapasailalim sa Agrarian Reform at Social Justice Program ng gobyerno.

Hindi natupad ang kasunduan hanggang sa muling magdesisyon ang Korte Suprema batay sa naging motion for reconsideration ng Hacienda Luisita Incorporated.

Pinawalambisa ng Supreme Court ang SDO – Stock Distribution Option – na nagsimula noong panahon ng dating Pangulong Corazon Cojuangco-Aquino.

Ang SDO ay hindi nag-angat sa antas ng pamumuhay ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita at ito ay nagbunga ng madugong welga noong Nobyembre 6, 2004.

Pagkatapos ng Luisita massacre, nagdesisyon ang PARC –Presidential Agrarian Reform Council at DAR – Department of Agrarian Reform na alisin ang SDO noong Disyembre 23, 2005.

Pero ito ay hindi natuloy at nakakuha ang mga Aquino at Cojuangco ng TRO – Temporary Restraining Order sa Korte Suprema noong Hunyo ng 2006.

Kinondena ng militanteng grupo ang latest decision ng Korte Suprema.

Ito raw ay pagpapakita ng kaduwagan at ang desisyon ay maliwanag na instrumento ng deception, oppression, exploitation at pagsandig ni PNoy sa politics of accommodation.

Wala namang kinalaman si PNoy sa desisyon ng Korte Suprema.

Bukod sa separation of powers ng executive at judiciary, iniulat na nag-divest ng shares of stocks ang Pangulo sa Hacienda Luisita.

Mahigit sa anim na libong mga magsasaka sa Hacienda Luisita ang naghahangad na magkaroon ng sariling lupa.

Lupang sa mahigit na limang dekada ay pinuhunanan ng pawis at dugo.

Ang iba ay tumanggap at sumang-ayon sa SDO. Subalit silang lahat ay nabigo at hindi nagkaroon ng pagbabago sa antas ng pamumuhay.

At ngayon, muling isinama ng Korte Suprema ang ukol sa referendum.  Nangyari na ito noong una at hindi na dapat maulit.

Maliwanag na ang Hacienda Luisita ay dapat mapailalim sa CARP– Comprehensive Agrarian Reform Program at tuwirang ipamahagi ang lupain sa mga magsasaka nito.

Ang ibig sabihin ng land reform ay pamamahagi ng mga lupa at hindi pagbibigay ng stock certificates.

Sa madaling salita, land distribution ang sigaw ng magsasaka.

Ito ang ating ibigay at kalimutan na ang referendum na maaaring magbunga ng hindi mabuti.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply