Lintang bida?

LAMAN na naman ng headlines si dating elections supervisor Lintang Bedol na sinasabing sumuko nitong Martes pagkatapos ng 4 na taon na pagtatago.

Siyempre bida si Bedol dahil inaakala ng marami na may mga matitinding ebidensya siyang hawak para mailantad at mabigyang-linaw ang nangyaring dayaan sa eleksyon lalo na sa mga lugar na hinawakan at inoperate niya.

Huwag lang na makalimutan ng Malakanyang na kasama si Bedol sa mga dapat na akusahan.

Kahit maglantad siya ng mga mahahalagang ebidensya tungkol sa election fraud dapat maramdaman din niya ang bigat ng angkop na parusa sa mga taong bumaboy sa batas ng halalan.

Baka raw kasi sa kagustuhan ng gobyerno ni Aquino na maidiin si dating Pangulong Gloria Arroyo ay lumabas na bayani si Bedol.

Gaya ni Ampatuan na umiyak pa sa harap ng maraming tao.

Hindi puwedeng porke at naging whistle blowers sila ay ligtas na sila sa kasalanan sa tao at sa bayan.

Ang sabi ni Zaldy at ni Lintang ay natatakot sila at gusto nila ng proteksyon kaya sila napilitang lumantad.

Oo naman.

Kahit sinong Filipino, akusado man o hindi, may kasalanan man o wala ay may karapatan para sa kanyang kaligtasan at may karapatan para humingi ng proteksyon sa pamahalaan.

Pero huwag lang na makalimutan na hindi sila bida dito, sila ay mga akusado na iniimbestigahan para mapagkunan ng ebidensya.

Wala silang dapat matanggap na special treatment.

Marami pang ebidensya ang makukuha sa mas marami pang Lintang na namumugad sa COMELEC.

Huwag lang na kapag ang ituturo ay si Gng. Arroyo ay starring role agad ang dating ng mga kakanta.

Dapat lahat ng naging dayaan, sa lokal man o nasyonal na eleksyon, ay imbestigahan at ang mga nakabinbin na election protest cases ay bilisan na ang pagresolba.

Tandaan, malaki ang puhunan ng bayan sa adhikaing maituwid at malinis ang sistema ng halalan sa bansa at sana ay huwag maging mitsa ng pagkakabuwag-buwag natin bilang isang lahi ang maaring gawin ng mga katulad ni Lintang at ni Zaldy na pagtuturo sa kung sino-sino sa kasalanang sila mismo ay sangkot.

Mag-text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag-email sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply