LPA ganap na tropical depression na

ISA nang tropical depression ang low pressure area (LPA) na nasa silangang bahagi ng Visayas.

Inihayag kaninang umaga (Lunes) ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ang bagyo ay tatawaging “Juaning.”

“Maaari itong dumaan sa lupa sa extreme northern Luzon tulad ng Cagayan at Batanes,” pahayag ni Pagasa forecaster Aldczar Aurelio sa isang kapanayam sa dzBB radio.

Sa kanilang 11 a.m. advisory, sinabi ng Pagasa na si Juaning ay namataan sa layong 350 kilometro sa silangan timog-silangan ng Virac, Catanduanes na may lakas na hanging umaabot sa 55 kph (kilometer per hour) malapit sa sentro at kumikilos ito pa-hilaga-kanluran sa bilis na 15 kph.

Martes ng umaga, inaasahan itong nasa 180 km hilaga hilaga-silagan ng Virac, Catanduanes o 320 km silangan timog silangan ng Casiguran, Aurora.

Sa Miyerkules naman ng umaga, inaasahang nasa layong 90 km hilaga ng Casiguran, Aurora o 140 km timog-silangan ng Aparri, Cagayan habang sa Huwebes ng umaga, ito ay tinatayang nasa 200 km hilaga kanluran ng Aparri, Cagayan.

Sa kasalukuyan ay wala pang ikinakasang storm warning signals. Sinabi ng Pagasa, si Juaning ay magpapatuloy na magdadala ng pag-ulan sa Southern Luzon at Eastern Visayas, at maging sa Bicol Region at Samar area.

Samantala, sinabi ng Pagasa na magkakaroon ng “light to moderate rains” sa Kalakhang Maynila. Inaasahan namang aambunin ang kabuuan ng Cagayan de Oro at Bulacan.

“Ang ganitong sitwasyon [ay] maaaring tulad kahapon sa hapon o gabi [na] may malakas na ulan,” dagdag pa ni Aurelio.

Posible rin aniyang rumagasa ang flshfloods at landslides sa Bicol at Samar sanhi ng nakaambang pagbuhos ng ulan.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply