LTO-LTFRB at DPOS-TRU inutil sa walang lisensiya

PARANG kabuting nagsulputan at dumami  ang mga  tricycle driver na walang lisensiya sa Quezon City ngunit inutil at bulag sa katotohanan ang mga ahensiyang nakasasakop dito katulad ng Land Transportations Office (LTO), Land Transportation Franchising Regulatory  Board (LTFRB) at Quezon City Department of Public  Order Safety – Tricycle Regulatory Unit (QC-DPOS-TRU).

Ilan sa mga dahilan ng paglobo ng mga tricycle driver na walang lisensiya ay ang kapabayaan ng mga nakasasakop na ahensiya dito at ang walang kamatayang  “tong collection”.

Sa  file ng  Tricycle Regulatory Unit (TRU) na nasa ilalim ng Quezon City DPOS ay mayroong 24,000 ang rehistradong mga tricycle mula sa 150 na samahan ng Tricycle Operator and Drivers Assn. (TODA).

Pinakamalaki rito ang Batasan TODA, hindi pa kasama ang mga tricycle na kolorum na tinatayang nasa 15,000.

Sa pag ikot-ikot ng Lily’s File sa mga terminal ng TODA sa Quezon City ay ating natuklasan na napakaraming driver ng tricycle ang walang lisensya at kung mayroon man, ito ay ang tinatawag nilang “talahib” o pekeng lisensya.

Sinasabing sa 24,000 na rehistradong tricycle sa lungsod Quezon ay wala pa sa kalahati nito  ang mayroong original na drivers license.

LTO, LTFRB,  DPOS – TRU at QCPD-TEU,  ano ang ginagawa ninyo sa mga upuan niyo, kumilos naman kayo!

Hindi niyo ba  naisip kung gaano kadelikado sa mga  mamamayan kapag sumakay sa tricycle na ang driver ay walang lisensiya?

Palibhasa kasi magagarang SUV at kotse ang sinasakyan ninyo at may mga sarili kayong driver kaya hindi nyo alintana ang  kaligtasan ng  mamamayan.

DPOS Chief, Ret. Gen. Elmo San Diego at TRU Chief, Capt. Robert dela Cruz, paanong nangyari na nakapagmamaneho ng tricycle ang mga driver na walang lisensiya gayong sinasabing napakahigpit ng inyong mga traffic enforcer?

Kahit saang sulok ng siyudad ay may makikita kang traffic enforcer, paa-nong nakalalampas sa kanila ang mga tricycle driver na walang lisensiya gayong ang mga ito ang number one sa mga  traffic violation?

DPOS Chief, Ret. Gen. San Diego at TRU Chief, Capt. Dela Cruz, bakit hindi kayo lumabas ng inyong tanggapan  para makita nyo kung ano ang ginagawa ng inyong mga enforcer sa kalye kapag sila ay nakahu-huli ng mga violator na tricycle driver.

Malalakas ang loob ng mga tricycle driver na magmaneho kahit walang lisensiya dahil ultimo P20.00 ay tinatanggap ng inyong mga enforcer.

Tata Elmo, ang Cheap ng mga enforcer mo, ha? Sabagay hindi ko naman nilalahat pero mas lamang ang ganito.

LTO Chief, Virginia Torres, mam, paano pong lumobo at nagkalat ang mga  “talahib” o pekeng lisensiya?

Wag niyo sanang ikatuwiran ang “ewan ko, hindi ko alam” dahil kung ganyan ang sasabihin mo dapat talagang mag-resign ka na riyan sa puwesto mo.

Bukas po ang Lily’s File para sa inyong paliwanag USEC Torres, DPOS Chief San Diego at TRU Chief, Dela Cruz. Tinatawagan din natin ng pansin si Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Supt. George Regis, para silipin naman ang mga TODA Terminal dahil ang mga terminal na ito ay ginagawang inuman at sugalan ng mga tricycle driver.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply