LTO sanhi nga ba ng mga aksidente sa kalsada?

NOONG nakaraang Linggo ay may isang motoristang nagmamaneho ng kanyang big bike ang nasawi dahil ito’y nagitgit ng isang Ford Explorer sa South Luzon Expressway (SLEX).

Nung Martes naman ay may nahulog na pampasaherong bus mula sa southbound lane ng Skyway bago mag Sucat exit. Tatlo ang patay kabilang ang tsuper nito. Swerte na lang at walang nahulugang tao o sasakyan itong Dimples Star Transport bus sa west service road ng Barngay Marcelo sa Parañaque. Ayon sa konduktor ng nasabing bus na si Jonathan Alebar bigla raw may malakas na hangin o para bang ipu-ipo na tumama sa kanilang bus kaya nahirapan ang tsuper na imaneho ang bus at sa huli ay nahulog na nga ito sa west service road. Ang sabi naman ng ilang saksi ay nakikipagkarerea daw ang tsuper ng Dimples Star Transport bus sa isa pang pampasaherong bus. Sabi pa ng iba ay 130kph daw ang takbo nito kahit na kasagsagan ng ulan nung mga oras na iyon.

Salamat na lang sa Skyway at may CCTV footage sila ng pangyayari.

Sa Commonwealth Avenue naman ay naglagay na ng speed limit ang MMDA noong nakaraang buwan pa. Ito ay dahil din sa dami ng aksidenteng nangyayari diyan.

Sa pagkakatanda ko ay noong araw pa may mga speed limit na sa ating mga kalsada lalo na sa South Super Hi-way. Ngunit ilan nga ba ang sumusunod dito at ilan nga ba ang mga nahuhuli ng mga awtoridad?

Speed limit nga ba ang solusyon dito? Karagdagang mga law enforcer din ba ang kailangan para maiwasan o mabawasan ang mga aksidente sa kalsada?

Sa aking palagay ay hindi. Driver’s education ang kulang sa atin. Ilan kaya sa mga Non-Pro at Pro license holders sa ating bansa ang nakapag written at actual exam sa Land Transportation Office o LTO? Naaalala ko pa nung dekada 90 ng ako’y unang pumunta sa LTO o baka LTC pa noon para mag-apply ng Student’s Permit. Ako ay binigyan ng kodigo para sa written exam tapos hindi na ako pinag-actual exam. Ang galing diba?

Ngayon, magtataka pa tayo kung bakit maraming aksidente. Hanggang ngayon ay hindi nagbabago ang kalakaran dyan sa LTO.

Simula nung umupo si Assec. Virginia Torres sa kanyang pwesto ay tatlong beses na akong nakapunta sa LTO. Una ay para sa rehistro ng aking sasakyan. Ang pangalawa’y para sa renewal ng aking non-pro driver’s license at ang pangatlo ay ang pagsama ko sa aking kaibigan na 3 taon na expired o walang bisa ang kanyang lisensya. Sa halagang P2,000 ay hindi na nag-actual exam ang aking kaibigan. May kodigo pa siya para sa written exam.  Nung ako’y magmasid sa ginagawang actual exam sa LTO-Las Piñas nagulat ako nang sumakay ang isang aplikante sa owner-type-jeep. Ang sabi ng magtuturo, “start, atras, abante.” Pagkatapos nito’y bumababa na sa jeep ang aplikante sabay alis pabalik sa waiting area. Hindi mo na pala kailangan matutong lumiko ano? O gumamit ng mga signal light at headlight. Start, atras, at abante lang at may lisensiya ka na sa pagmamaneho. Ang galing talaga!

Assec. Torres, ilang hepe na ng LTO ang dumaan at ganito pa rin ang kalakaran diyan sa ahensiya ninyo. Sigurado po ba kayong para sa matuwid na daan kayo?  Oo, matuwid nga dyan sa ahensiya ninyo dahil atras-abante lang ayos na. Walang liko. Sana naman ay maiayos ninyo po ang matagal ng bulok na sistema diyan. Kung sinu-sino ang sinisisi at nasisisi pag may aksidente kesyo drayber, kalsada, ulan. Ngayon pati ipu-ipo kasama na rin sa mga nasisisi na dapat ahensiya ninyo ang isa sa mga pangunahing dapat sisihin dahil sa pagbibigay ng lisensya sa mga aplikanteng di sumailalim sa tamang pagsusuri. Sa konting lagay ay nagkakandarapa na kayong magbigay ng lisensya para siguro LTO – Lahat Tayo Okey!!

oOo

Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 810 AM.

Inaanyayahan ko din kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo.

Sa kalakhang Maynila, ito ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 33 and G-Sat ch. 7. Mapapanood rin ito sa iba’t ibang mga cable providers nationwide. Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o di kaya’y magtext sa 0918-4479006. Salamat po!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply