Maagang benepisyo para sa mga magreretirong obrero

MAS maagang matatanggap ng mga magreretirong empleyado ng gobyerno ang kanilang benepisyo, malugod na pahayag ni Executive Sec. Paquito Ochoa makaraang pirmahan ni Pangulong Noynoy Aquino ang Republic Act No.10154 nitong Hulyo 15.

Sinabi ni ES Ochoa na ang RA10154 ay nagtatadhana ng pagbibigay ng mga benepisyo 30 araw makaraan ang aktuwal na petsa ng pagreretiro ng isang empleyado ng gobyerno.

Mayroon ding nakasaad na kaparusahan para maiwasan ang hindi makatarungang pagkakait ng naturang benepisyo.

Ayon kay Ochoa, lahat ng mga employer, maging agency o government, ay inaatasan ng nasabing batas na tiyaking lahat ng benepisyo ng isang magreretirong manggagawa ng estado ay maibigay nang nasa oras.

Para masiguro ang pagsunod sa 30 araw na kahilingan, nakasaad sa batas na kailangang magpasa ang mga magreretirong tauhan at empleyado ng gobyerno ng kanilang rekisito sa kanilang opisina nang hindi bababa sa 90 araw bago ang epektibong petsa ng kanilang pagreretiro.

Kung sakaling ang isang magreretirong tauhan o empleyado ng gobyerno ay mayroong nakabinbing kaso, ang pinuno ng ahensiya na may hawak ng kaso ay inaatasan na magbigay ng resolusyon o hatol sa kaso tatlong buwan bago ang aktuwal na petsa ng pagreretiro.

Kung sakaling hindi magkaroon ng resolusyon sa kaso nang walang malinaw na kadahilanan, kaagad na ibibigay ang mga benepisyo ng tauhan o empleyado ng gobyerno kahit ano pa ang kahinatnan ng kanyang kaso.

Sakop ng RA 10154 ang lahat ng sangay at ahensiya ng gobyerno kabilang na ang mga korporasyong pag-aari at/o kontrolado ng gobyerno O GOCC.

Anomang reklamo o puna ay itext lang sa 09189-274764, 09266719269 o i-e-mail sa juandesabog@yahoo. com.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply