Mag-aamang Genuino inisyuhan ng HDO

INISYUHAN ng hold departure order ng Bureau of Immigration ang mag-aamang Genuino at ilang dating opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) dahil sa kinakaharap na kaso ng pandarambong at korapsyon.

Ayon kay Atty. Ma. Antonette Bucasas-Mangrobang , tagapagsalita ng Bureau of Immigration, nasa HDO list si dating Pagcor chairman Efraim Genuino at dalawa niyang anak na sina Atty. Erwin Genuino at Sheryl Genuino-See, dating chief operating officer ng Pagcor at pangulo ng Pagcor na si Rafael Francisco at si Edward King, dating bise presidente ng Pagcor para sa mga corporate communications at services department.

Kasama rin sa HDO ang dating executive vice president ng Pagcor na si Rene Figeroa, dating Pagcor vice president for legal department na si Atty. Carlos Bautista Jr., Batang Iwas Droga (BIDA) Party list nominee na si Emil Marcelo, dating Pagcor consultant na si Rodolfo Soriano Jr. at Johnny Tan ng BIDA.

Sinabi ni  Mangrobang na inisyu umano ni Department of Justice (DOJ) Chief State Counsel Ricardo Paras ang nasabing HDO noong Biyernes na may bisa sa loob ng limang taon.

Ang mga nasa HDO ay papayagan lamang makalabas ng bansa kung mabibigyan ng allow departure order (ADO) ng Department of Justice.

Nauna nang bumuo ang DOJ ng tatlo kataong panel na mag-iimbestiga sa mga kasong pandarambong na isinampa laban sa dating Pagcor chief at 40 iba pa.

Ang mga kaso ay nag-ugat umano sa paggamit ng P186 milyon pondo ng Pagcor sa kandidatura ng anak ni Genuino na tumakbo bilang kongresista sa party-list na BIDA foundation noong 2010 election.

Ang anak naman nitong si Erwin ay nakinabang umano sa 300 metriko toneladang bigas na donasyon ng isang kumpanyang Hapon sa pamahalaan nitong kampanya ng eleksyon 2010 kung saan tumakbo ito bilang alkalde ng Makati City laban sa nanalong si Jun Jun Binay na anak ni bise presidente Jejomar Binay. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply