Mag-ama dinukot, pinatay bago itinapon

HINDI na makilala nang matagpuan ang mga katawan ng mag-amang pinagkukumpulan ng maraming insekto sa madamong bahagi sa tabi ng tulay sa pagitan ng mga bayan ng Amadeo at Silang sa Cavite nitong nakaraang Miyerkules.

Sa ulat mula sa tanggapan ni Cavite Provincial Director Senior Supt. John C. Bulalacao, kinilala ang mga biktima na sina Jamie Lleada, 61, isang balo at magsasaka, at anak nitong si Jaymar Lleada, 17, binata.

Ang mag-ama ay mga residente ng 249 Barangay Tartaria, Silang, Cavite.

Sa kasalukuyan ay blangko pa rin ang pulisya ukol sa mga salarin laban sa mag-ama, subalit sinabi ng mga imbestigador na posibleng kilala ng mga biktima ang mga pumatay sa kanila.

Sa imbestigasyon ni PO3 Oliver Salazar, may hawak ng kaso, dakong alas-diyes ng umaga nang itawag ni Barangay Chairman Maximo Bawalan sa himpilan ng pulis na may natagpuang mga bangkay sa nabanggit na lugar.

Nabatid na tadtad ng malalim na sugat ang mag-ama, na hinihinalang pinagsasaksak habang nakatali ng nylon cord ang mga kamay at balot ng damit ang mga mukha.

Sa pahayag  ng mga kaanak ng mga biktima, may  dalawang araw na umano  nilang pinaghahanap ang mag-ama.

Ayon sa mga awtoridad, posibleng sa ibang lugar ito pinatay at itinapon lamang sa napagtagpuan ng mga ito upang mailigaw ang imbistigador.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply