Mahabang palakpak ibinigay kay PNoy sa usapin ng Spratly

MAHABANG palakpakan ang ibinigay ng mga kongresista at senador kay Pangulong Benigo Aquino III nang panindigan nito ipaglalaban ng pamahalan ang karapatan sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA), binigyang diin ng Pangulong Benigno Aquino III ang karapatan ng mga Filipino sa Spratlys.

Binanggit pa ng presidente na tapos na umano ang panahon na minamaliit lamang ang Pilipinas ng mga malalaking bansa.

“Dati, hindi man lang natin makuhang pumalag tuwing may sisindak sa atin sa loob mismo ng ating bakuran. Malinaw ang pahiwatig natin ngayon sa buong mundo: Ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas; kapag tumapak ka sa Recto Bank, para ka na ring tumapak sa Recto Avenue,” ayon sa pahayag ng Pangulo.

Ipinagmalaki pa ng presidente ang ginagawang “capability upgrade at modernization” ng kaniyang administrasyon sa Armed Forces of the Philippines.

Sa kabila nito, nilinaw naman ng punong ehekutibo na walang balak na makipag-away ang Pilipinas, pero binigyang punto rin nito na nakahanda ang bansa na ipagtanggol ang sarili nito.

“Wala tayong balak mang-away, pero kailangan ding mabatid ng mundo na handa tayong ipagtanggol ang atin.”

Pinag-aaralan na rin umano ng pamahalaan na idulog na sa International Tribunal for the Law of the Sea ang kaso, para masigurong maghahari ang hinahon at pagtitimpi sa pagresolba sa territorial issue.

Maalala na una na ring nagpahayag ng hindi pagsang-ayon ang China sa panawagan ng Philippine government na idaan sa International Tribunal for the Law of the Sea ang pagresolba sa umiiral na territorial dispute sa pagitan ng dalawang bansa sa West Philippine Sea.

Sa isang pahayag, iginiit ni Chinese foreign ministry spokesman Hong Lei na hindi sila sang-ayon sa panukala ng Pilipinas na mayroon pang “third party” na makiki-alam sa sigalot.

“China always maintains that the South China Sea dispute should be resolved… through direct negotiations between directly concerned countries,” giit ng opisyal.

Ang nasabing tribunal ay independent judicial body na itinatatag sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply