Mahigit P100-M ang pinsala ni ‘Juaning’ sa agrikultura

LAGPAS sa P100 milyon ang halaga ng mga pananim, palaisdaan at livestock na nawasak sa paghagupit ng bagyong “Juaning” nitong mga nakaraang araw sa Regions 3, 4-b at 5.

Nabatid mula kay Agriculture Undersecretary Salvador Salacup, P119-milyon ang halaga ng nasirang palay, P3.8-milyon ang nasirang mais, P14.3-milyon ang sa high value crops gaya ng gulay, at mahigit P1-milyon naman ang sa livestock industry.

Ang Albay ang nangunguna sa listahan ng may pinakamatinding natamong pinsala.

Ngunit, iginiit ni Salacup na walang sapat na basehan ang mga negosyante na magtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dahil bagama’t apektado ang sektor ng agrikultura, apat na porsiyento lamang ang nabawas sa inaasam na pambansang produksyon para sa ikatlong quarter ng kasalukuyang taon.

Batay naman sa pinakahuling talaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) habang isinusulat ang balitang ito, may 41 katao na ang naiulat na nasawi sa pananalanta ni “Juaning.”

Dalawampu’t walo umano rito ang mula sa Region 5 o Bicol Region kung saan 11 ang mula sa Albay, anim sa Catanduanes, dalawa sa Camarines Sur, pito sa Camarines Norte, at dalawa sa Masbate.

Naitala rin ang 40 na sugatan, 24 na nawawala at 58 nailigtas.

Mahigit naman sa isang P1 bilyon ang halaga ng nasirang imprastraktura.

Patuloy umano ang ginagawang search and rescue operations ng mga kinauukulan sa 24 na nawawala.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply