Malakanyang, PCSO pinagsasabong sa ‘Pajero Bishops’

INAMIN ng pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pangunguna ni chairperson Margie Juico na walang donasyong Pajero na tinanggap ang kahit isang obispo ng Simbahang Katoliko na sumabit sa isyu ng ‘Pajero Bishops,’ taliwas sa mga naunang naglabasang balita.

Sa pagdinig kahapon ng Senate Blue Ribbon Committee sa pangunguna nina Sen. TG Guingona, Sen. Panfilo Lacson, Senate President Juan Ponce Enrile, Sen. Franklin Drilon at Sen. Chiz Escudero, kinumpirma ni Juico na sa aktwal, walang mamahaling sasakyan katulad ng Pajero na nagkakahalaga ng halos P3 milyon bawat isa (brand new), na naipamahagi sa mga obispo ng Simbahang Katoliko.

Batay sa rekord ng PCSO na binasa ni Juico, kabuuang P6.940 milyon ang inilaan ng nakaraang liderato ng PCSO sa donasyon kung saan ibinigay ito sa Archdiocese ng Zamboanga, Butuan, Cotabato, Nueva Segovia at Isabela, Basilan.

Aniya pa, “dumaan sa proseso” ng PCSO ang kahilingan kung saan isang Toyota Grandia ang napunta sa Archdiocese of Zamboanga; isang Isuzu Crosswind naman sa Nueva Segovia, Ilocos Sur; isang Isuzu passenger van sa Bontoc-Lagawe para sa proyekto nitong “Alay-Kapwa,” isang Mitsubishi Montero sa Archdiocses ng Butuan at isang Mitsubishi Estrada naman sa Archdiocese of Basilan.

Bago ang pag-amin ni Juico, kinumpirma rin ni PCSO director Aleta Tolentino na wala ring natanggap na sasakyan ang Archdiocese ng Iligan City para magamit ng crisis center nito sa pangunguna ni Fr. Roger Lood, dahil hindi umano nito nakumpleto ang mga kailangang dokumento para sa donasyon.

Ani Juico, “maaaring” kwestyunable ang mga naturang donasyon dahil posibleng labag ito sa prinsipyo ng ‘separation of Church and State’ na nakasaad sa Saligang Batas, bukod sa tanging mga ambulansya lang ang ipinamamahagi ng PCSO, batay na rin sa ‘charter’ nito.

Bunga ng resulta ng paunang imbestigasyon kahapon, tumibay naman ang hinala ng ilang grupo na may ‘sumasabotahe’ sa relasyon ng Simbahan at ng Malacañang.

“Hindi kaya nakahahalata ang PCSO na posibleng nagagamit ang ahensiya para lang magalit ang mga obispo kay Pang. Noynoy Aquino dahil pinalaki ang isyung ito kahit wala naman palang matibay na ebidensiya,” tanong pa nila.

Bago pumutok ang kontrobersiya, matandaan na mainit na ang bangayan ng Palasyo at Simbahang Katoliko dahil na rin sa isyu ng reproductive health bill.

Nakaranas na rin ng pagbatikos si PNoy kay Butuan Archbishop Juan de Dios Pueblos, dahil umano sa “mahinang” liderato nito.

Ngayong araw itutuloy ang pagdinig kung saan isasalang naman ang mga bumabatikos sa PCSO.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply