MALAMIG NA LANGIT (Tatapusin)

KANYA-KANYANG pakuha ang mga ninong at ninang na kasama ang bagong binyag na bata.

Pero siyempre’y hindi mawawala ang group picture.

Isa na lang ang hindi pa nakukunan at ito ang pinakaimportante.

Si Romano, Almira at ang kanilang anak bilang pamilya.

“Souvenir photo lang. Kayo namang tatlo ang magpakuha,” request ni Louie habang hawak ang kanyang kamera.

Parang ayaw ng babae pero napilitang pumayag due to insistent demand ng mga kumare at pare.

Picture perfect!

Ang ganda ng kuha ng mag-anak.

Kanya-kanyang kuha sa kanila ang mga ninong at ninang na may dalang kamera.

“Ang gandang kuha nito,” palatak ni Celia. “Ang kulang na lang dito ay magkatotoo,” pabiro niyang dugtong.

“Huwag kang mainip. Malapit na!” biro ni Donna.

Nakangiti lang si Romano.

Walang reaksiyon si Almira.

Sa isang class na restoran ang reception.

Sagot ni Romano ang gastos.

Pero tinapos nila ang inuman sa bahay ni Donna.

Natutulog na kasi si Junior at magiging komportable lang ang pagtulog nito kung sa bahay ito patutulugin.

Tumagay lang ng ilan si Louie at nagpaalam nang mauuna kay Romano na lumuwas ng Maynila.

Kapag pareho kasi silang nalasing ng kaibigan, dalawa silang magiging absent sa ospital kinabukasan.

Hindi pa puwedeng umalis si Romano dahil walang mag-eentertain sa mga kumpare at kumare.

Nagkasarapan sila ng inuman …

Napalaban ang siruhano …

At dahil hind naman siya sanay uminom, knockout si Romano.

Nagkatinginan sina Donna at Almira kung saan patutulugin ang nakatulog na siruhano.

Dalawa lang kasi ang kuwarto sa house ng una.

“Alangan namang sa kuwarto ko. Dapat ay sa room mo. Ama siya ng anak mo, hindi ba?” sabi ni Donna.

Binuhat ng dalawang kumpare si Romano sa kuwarto ni Almira.

Inihiga sa kanyang kama.

Tulog na ang kalaban, napilitang magpaalam na ang mga bisita.

“Sa kuwarto mo kami matutulog ni junior, ha!” sabi ni Almira kay Donna.

“Bakit? Diyan ka sa kuwarto mo!” react ng kaibigan.

“Naroon si Romano, e!”

“Maano! Nagpabiyak ka na sa kanya at nagkaanak. Ngayon ka pa ba matatakot ay hindi ka naman niya magagalaw dahil tulog siya sa kalasingan?” sagot naman ni Donna.

Hindi na nakapalag si Almira.

May kuna si Junior kaya walang problema.

Ang ina ang nag-iisip kung saan mahihiga dahil okupado na ni Romano ang kama.

Pero dahil walang mahihigaan, napilitang itulak niya ang lasing na lalaki at nahiga sa tabi nito.

Pinilit makatulog ni Almira pero hindi niya magawa.

Naninibago siya na katabi si Romano sa kama.

Nang marinig niyang sumigok ang siruhano kasunod ang pagsusuka.

Mabuti na lang at hindi sa kama kundi sa sahig ito bumigay.

Hangos siyang bumangon at kinatok ang pintuan ni Donna.

“B-Bakit?” anyong bitin sa pagtulog na tanong ng kaibigan nang buksan ang pintuan.

“Si Romano, nagsusuka. Ano ang gagawin ko?” nakasimangot na tanong ni Almira.

“E, di dakutin mo at punasan mo siya ng hot towel. Trabaho mo iyan dahil ama siya ng anak mo,” hirit ulit ni Donna.

Nagdadabog na nagtungo sa kusina si Almira para kumuha ng planggana na may lamang mainit na tubig at hot towel.

Natatawang isinara na ulit ni Donna ang pintuan ng kanyang silid.

Nakikita niya, sa maganda magtatapos ang love story nina Romano at Almira.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply