Manila City Hall workers nabiktima ng ‘load scam’

PINAIIMBESTIGAHAN ng panglungsod na pamahalaan ng Maynila ang cell phone load scam na nakapambiktima sa ilang empleyado ng iba’t ibang tanggapan ng Manila City Hall upang mapag-alaman kung sino ang nasa likod nito.

Inatasan ni Manila Mayor Alfredo Lim si  Chief Insp. Mar Reyes, pinuno ng City Hall Police Assistance Unit, na pamunuan ang nasabing pagsisiyasat.

Pinaalalalahan din ng alkalde ang mga empleyado na maging maingat upang hindi mabiktima ng mga mangloloko.

“Each office in City Hall has a contact number and it is not that difficult to verify.  Mag-verify kayo bago gumawa ng anumang aksyon,” ayon kay Lim.

Kamakalawa ng tanghali ay nakatanggap ng “frank calls” ang ilang empleyado ng Manila City Hall mula sa isang taong nagkunwaring si city legal officer Atty. Renato dela Cruz at nag-utos na bigyan siya ng cell phone load ng Smart at Globe.

Ang opisina ni city treasurer Vicky Valientes ang unang nabiktima ng isang lalaking kaboses ni Dela Cruz, na naghanap kay Valientes.

Nang sabihin dito na wala sa tanggapan si Valientes, inutusan ng tumawag ang staff na padalhan siya ng load dahil siya ay nasa isang meeting sa labas ng city hall.

Hiningi umano ng staff ang tulong ng isa niyang kasamahan sa trabaho, na nagbigay ng load na umabot sa halagang P4,900 sa mga cell phone na may numerong 0908-2658947 at 09177335790.

Nadismaya naman ang dalawang staff nang itanggi ng tanggapan ni Dela Cruz na humingi ito ng load sa kanila.

Pinabulaanan din na ang mga numerong pinagpasukan ng load ay kay Dela Cruz.

Bukod sa city treasurer’s office, nabiktima rin ang mga personnel ng civil registry, health at public services departments at nakotongan ng kaparehas na halaga.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply