Manufacturing sector pinabubuhay kay PNoy

MALAKI ang paniniwala ng isang senador na kayang-kaya ng Pilipinas na ibangon ang manufacturing sector mula sa hukay at makipagsabayan sa China kung kikilos lamang ang administrasyon ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III sa pagsusulong ng industriya sa Pilipinas.

Ayon kay Sen. Manny Villar, kung talagang gustong masugpo ng administrasyon ang kahirapan, dapat buhayin ang manufacturing sector na siyang makapagbibigay ng mas maraming hanapbuhay sa mga Filipino.

“Kaya nating ibangon ang manufacturing industry kahit mababa ang labor cost sa China. Huwag nating tuluyang itanim sa ating isipan na hindi natin kayang makipagsabayan sa ibang bansa. Kayang-kaya nating mapaunlad pa ang ating ekonomiya,” ani Villar.

Sinabi ni Villar na kailangan lamang ibuhos ng Pilipinas ang atensyon sa paggawa ng mga produktong hindi karaniwang ginagawa at ibinibenta ng China sa ibang bansa, gaya ng hollow blocks at iba pang produkto.

“Malaki rin ang ating bentahe sa gastos sa pagbibiyahe ng mga paninda dahil masyadong mataas ang transport cost mula sa China papunta sa atin kaysa sa transport cost mula sa Laguna, kung saan marami ang pabrika papunta sa Maynila at mga kalapit na sentro ng kalakalan sa ating bansa,” dagdag pa ni Villar, na kinikilalang “Brown Taipan” sa buong Asya dahil sa nakamit na tagumpay sa pagnenegosyo.

Iginiit din ni Villar na bigo ang ipinatupad na liberalization sa Pinas dahil itinuring ito ng pamahalaan na pantapal sa pangkalahatang problema sa pamumuhunan sa bansa.

“Hindi ang China ang pumapatay sa ating ekonomiya bagkus ang liberalization na hindi naman nakatulong sa ating mga kababayan. Sa halip, ito pa ang pumapatay sa maraming maliliit na negosyo na pinapatakbo ng ating mga kababayan.”

Halimbawa na aniya dito ang mga magsisibuyas sa hilagang Luzon na lugmok na sa pagkalugi dahil sa pagbaha ng murang imported na sibuyas sa mga lokal na pamilihan.

Kasabay nito, hinikayat ni Villar ang gobyerno na palakasin pa ang turismo at outsourcing industry sa bansa kasabay sa dapat gawing pagbabangon sa manufacturing sector upang magkaroon ng maraming bagong trabaho sa bansa.

Sa kasalukuyan, ang manufacturing sector ay nakapagtala lamang ng 9 na porsiyento sa employment share kumpara sa 37 porsiyento sa sektor ng agrikultura.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply