Manyakis na Aleman sisipain palabas ng PH

NAKATAKDANG ipatapon ng Bureau of Immigration (BI) ang isang manyakis na German national na nang-abuso ng 17 bubot sa kanyang bansa.

Sa isang ulat, kinilala ni BI legal affairs chief Arvin Santos ang pugante na si Gisbert Leistner, 49.

Si Leistner ay nagtago sa Pilipinas nang mahigit 13 taon bago masakote ng mga operatiba ng BI-Fugitive Search Unit sa Angeles City noong Abril 7.

Ikinatuwa naman ni Immigration Commissioner Ricardo David ang nakatakdang pagpapatalsik kay Leistner, na kasalukuyang nakakulong sa detention center ng kawanihan sa Bicutan, Taguig City.

Ayon pa kay David, naghihintay na lamang ang kanilang tanggapan ng travel documents mula sa German embassy upang maibalik ang dayuhan sa Berlin, kung saan inaasahang haharapin niya ang mga kasong tinakasan.

Sinabi naman ni BI intelligence chief Maria Antonette Bucasas-Mangrobang na kinansela na rin ng embahada ang pasaporte ni Leistner, kaya maituturing na itong “undesirable” o hindi kanais-nais na dayuhan sa bansa.

Sa datos ng kawanihan, nakasuhan si Leistner ng pang-aabuso sa 17 menor-de-edad na babae sa district court ng Konstanz, Germany.

Dumating ito noong Nobyembre 1997 sa Pilipinas, kung saan nagtago ng mahigit isang dekada.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply