Mayor sabit sa ‘illegal quarry’ sa Pampanga

KAKASUHAN ni acting Ombudsman Orlando Casimiro ang punongbayan ng Mexico, Pampanga na si Mayor Teddy C. Tumang at dalawang iba pa sa pagpayag nito na makapag-quarry sa isang pribadong lupain noong 2005.

Bukod dito, pinatawan din ng tatlong buwan na suspensyon nang walang matatanggap na sahod ang nabanggit na alkalde.

Maliban kay Tumang, pinakakasuhan at sinuspinde rin nang walang suweldo ni Casimiro si Barangay Captain Rafael P. Yabut, na umano’y lumabag sa Section 3 (e) ng RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Sabit din sa kaso ang isang nagngangalang Pantaleon C. Martin.

Nakita ng umaaktong Tanodbayan na may sapat na batayan upang asuntuhin ang nasabing mga lokal na opisyal dahil pinahintulutan nilang makapagsagawa ng quarry activities sa lupain na pagmamay-ari ni Eduardo T. Batac.

Noon Hunyo 2005, personal na nadiskubre ni Batac ang pagkasira ng kanyang lupain.

Bunga nito, lumiham si Batac kay Tumang noong Hulyo 2005 at hiniling ng una na ipatigil ng huli ang illegal quarrying.

Ngunit ang isinagot ng alkalde na si Martin, tenant umano ng nasabing lupain, ang nagbigay ng pahintulot para maisagawa ang pagku-quarry.

Ayon pa kay Casimiro, matindi at hindi malulusutang pagpapabaya ang nagawa nina Tumang at Yabut nang pagbigyan agad ng mga ito ang kahilingan na tanggalin ang lahar deposit sa pribadong lupain.

Kaya bukod sa pagsasampa ng kasong kriminal, mahaharap din sa kasong misconduct at paglabag sa Republic Act 6713 o Code of Conduct for Public Officials and Employees sina Tumang at Yabut.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply