Media dinudurog ng PCSO

TILA naghahanap ng panibagong kaaway ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil matapos durugin ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pagbaNsag na “Pajero bishop” ngayon pinagbalingan naman ang media.

Sinisisi ni PCSO Chairman Margarita Juico ang media dahil ipinalalabas na galing sa kanya ang pagbansag sa mga obispo bilang “Pajero bishop” kaya’t umani siya ng pagbatikos sa iba’t ibang sektor.

Sa pagdinig sa Senado, itinanggi ni Juico na nanggaling mismo sa kanyang bibig ang bansag na “Pajero bishop” kundi pinatingkad lamang ng media upang mapahiya ang CBCP.

Ngunit, base sa video footages mula sa GMA News na kumakalat ngayon sa social networking sites tulad ng Facebook, mismong si Juico ang nagbigkas ng salitang “Pajero” sa isang panayam na tinutukoy ang sasakyan na ibinigay ng PCSO sa mga obispo.

Sa naturang footage, sinabi ni Juico na kundi sana bumili ng “Pajero” ang nakaraang administrasyon, mas maraming mahihirap ang natulungan ng PCSO.

Dahil dito, gumagawa ngayon ng pamamaraan ang PCSO upang makaganti sa media sa pamamagitan ng pagkakalat ng smear campaign laban sa National Press Club (NPC) na ginagamit ang ilang kilalang PR practitioner sa industriya.

Hinala ng source na galing umano sa kaban ng PCSO ang perang ginagamit ng ilang PR practitioner upang durugin ang NPC sa pamamagitan ng pagkakaladkad sa housing project nito na walang basehan.

“Gumaganti lang si Chairman Juico sa media dahil nalagay siya sa kahihiyan sa pagpapaigting ng media sa salitang Pajero bishop kaya’t binuweltahan nito ang NPC,” giit ng source sa PCSO.

Lumantad kamakailan sa tatlong pahayagan ang balitang nawawala ang P6 milyong pondo ng NPC na inilaan sa housing project na ipinalabas ng ilang PR practitioner at kasabwat ang isang opisyal ng NPC.

Mahigpit na pinabulaanan ni Jerry Yap, presidente ng NPC, ang paratang sa media ops sa tatlong tabloid dahil “intact” sa kaban ng NPC ang sinasabing P6 milyon na nawawala.

Inihayag pa ng source na ginamit umano ng pamunuan ng PCSO ang “expertise” ng isang codename na DAA at isang Ike sa pamamagitan ng isang kilalang karakter sa PCSO na binansagang “Popeye” upang durugin ang NPC sa pamamagitan ng isang opisyal nito.

“Namimigay sila ng pera upang durugin ang imahen ng NPC,” ayon sa source.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply