Melai aminadong ‘perasight’ ang pamilya at siya ang taya pag lumalabas sila ni Jason

SA TOTOO lang, mas natatawa kami kay Melai Cantiveros sa personal kesa sa alinmang eksena n’ya sa trailer ng launching movie nila ni Jason Francisco na “The Adventures of Pureza, Queen of the Riles.” Mas nakakatawa siya kesa kina Mommy Dionisia at Anabelle Rama na kapwa n’ya mga Bisaya. (May suspetsa kami na ang mga Bisaya na may accent ang pinaka-natural comedians sa ating mga Pinoy)!

Actually, hindi lang nakakatawa si Melai in person, kundi nakakatuwa pa. (May mga komedyanteng nakakatawa, pero di nakakatuwa. Meron din namang nakatutuwa lang dahil namimigay ng tambak-tambak na pera sa shows nila pero di nakakatawa at all bilang comedian).

Napaka-honest ni Melai in person kaya siya nakatutuwa. Inamin n’yang “family perasight” ang tawag n’ya sa pamilya n’ya dahil madali naman daw n’yang napapasaya ang mga ito sa tuwing pinadadalhan o binibigyan n’ya ng pera. Wala siyang bahid ng pagpapasosyal: hindi n’ya itinagong hikab siya nang hikap nung press conference para sa pelikula. Hindi siya nahihiya na hindi siya marunong mag-Ingles. Hindi “press people” ang tawag n’ya sa mga reporter; ang alam n’yang tawag sa kanila ay “press conference.”

Sixteen months na pala ang relasyon nila ni Jason at hindi na raw siya nagseselos dahil napagod na siya sa kaseselos. Di raw totoo ang suspetsa ng mga tao na natutulog si Jason sa bahay n’ya sa Binangonan. “Andun ang kuya ko. Baka patayin siya nu’n kung matutulog siya sa bahay namin,” pangangatwiran n’ya sa punto n’yang Bisaya.

Si Jason ang umamin na minsan nang natulog si Melai sa bahay n’ya sa Scout area sa Quezon City pero hindi naman sa kuwarto niya ito natulog kundi sa ibang kuwarto.
Saka may mga kasama raw si Melai na mga kaibigan n’ya.

Nang tinanong nga pala si Melai kung may naka-bed scene na siya sa tunay na buhay, sagot n’ya ay oo. “Pero yung normal lang na bed scene,” mahiwaga n’yang dagdag. Hindi n’ya idinagdag pa kung sino yung naka-bed scene n’ya in real life. Si Jason kaya yon?

Sa July 13 na ipalalabas ang first team up movie nila. Pinaringgan ng isang beteranong kolumnista ang Star Cinema dahil sa halos isang linggo lang na publicity ng pelikula na idinirek ni Soxy Topacio. Tiyak daw na tatalunin ng “The Adventures of Pureza” ang “Forever and a Day” nina KC Concepcion at Sam Milby, pabirong panlalait ng beteranong kolumnista.

Alam n’yo bang nung inialok kay Direk Soxy ang pelikula at sinabihan siyang sina Melai Cantiveros at Jason Francisco ang mga bida rito, ang sagot n’ya ay “Sino ang mga yon?” Kahit minsan pala ay di pa n’ya napanood yung dalawa. Kahit minsan pala ay di siya nanood ng “Pinoy Big Brother” kung saan nadiskubre yung dalawa.

Pero nung naidirek na sila ni Soxy, nagalingan naman daw siya sa kanila. Mga natural comedian daw kasi yung dalawa. Ganu’n din nga ang sabi ni Gina Pareño na nasa cast din ng pelikula.

Nasa cast din nga pala sina Bianca Manalo, Joem Bascon, Martin del Rosario, Nico Antonio, at ang bading na mukhang multo sa kaputian na si Beckymon something. May cameo appearance si Pokwang.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply