P5M hirit ni Mendiola sa Dominguez brothers

HUMIRIT si Alfred Mendiola ng P5-milyon sa kampo ng magkapatid na Dominguez kapalit ng kanyang testimonya hinggil sa Venson Evangelista carnap-slay incident.

Sa ulat, matapos ang pagpapatuloy ng paglilitis upang madetermina kung kuwalipikadong maging state witness si Mendiola, sinabi ng abogado ng depensa na si Atty. Oscar Raro na ilang mga kaanak nina Raymond at Roger Dominguez ang nagsabing humihingi ng P5-milyon sa magkapatid ang akusadong nais maging saksi kapalit ng kanyang testimonya sa korte.

Tumanggi naman si Raro na pangalanan ang naturang mga kaanak ng dalawang diumano’y leader ng carjack syndicate.

Ang nasabing usapin ay tinanong pa ni Raro kay Mendiola sa kanyang cross examination sa pagdinig sa sala ni Judge Ma. Luisa Quijano-Padilla sa Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 215, Lunes ng hapon. Mariin naman itong itinanggi ni Mendiola.

Tinanong pa ni Raro na kung may taped record ng pakikipag-usap niya sa mga Dominguez na magpapatunay na humingi siya ng P5-milyon sa magkapatid ay papayag ba itong maiprisinta ang ebidensiya sa korte.

Sinagot naman ni Mendiola ang katanungan at hinamon pa ang kampo ng depensa na kung mayroon ay iprisinta nga nila sa hukuman.

Naniniwala naman ang prosekusyon na pilit lamang binabasag ng depensa ang testimonya ng kanilang saksi ngunit kahit anong gawin ng kampo ng mga Dominguez ay hindi matitinag ang kanilang testigo.

Para naman kay Raro, si Mendiola lamang ang may alam sa naturang krimen at siya ang mismong nagplano rito.

Sa Miyerkules, Hulyo 20 ng umaga, nakatakdang iprisinta ng prosekusyon ang isa pang saksi na magpapatunay na may katotohanan at tanging ang testimonya lamang ni Mendiola ang kumpletong makakapagdetalye sa mga tunay na naganap sa naturang krimen.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply