Mga higanteng kumpanya dapat magbahagi sa komunidad

“GIVE, and it shall return to you a hundredfold.”

Ito ang kasabihan na naging sandigan sa paglikha ng Senate Bill No. 1239 o mas kilala bilang Corporate Social Responsibility (CSR) na akda at inihain ni Sen. Manuel Villar. Nakatakda itong isalang sa ikalawang pagbasa ngayong 2nd regular session sa 15th Congress.

Itinampok dito ang ‘virtue of giving back’ na oobligahin ang matatagumpay na korporasyon sa bansa na tumulong sa mahihirap na sector ng lipunan sa halip na solohin ang kanilang kita sa mga negosyo.

Sa talumpati ni Villar sa pagbubukas ng 2-day 10th annual CSR Expo and Conference ng League of Corporations Foundation (LCF) sa SMX Convention Center, Mall of Asia (MOA), Pasay City, aminado si Sen. Villar na hindi kakayanin ng gobyerno na mag-isang pasanin ang responsibilidad sa mamamayan at sa kapaligiran kaya kinakailangan ang tulong ng private sectors.

“Oftentimes, those in the corporate sector can boldly claim to be more competent and efficient than those in the government or public office which admittedly is more prone to corruption and red tape,”ani Villar.

“Panahon na para makasama yung mga malaking kumpanya na tumulong sa mga mahihirap. Ngayon kasi voluntary lang. Yung mga tumutubo naman ng malaki makatutulong naman sa mahihirap. Di na magiging voluntary ito, magiging obligasyon na nila ito. Lahat ng malalaking company, sa Top 1000 corporations,” ani Villar.

Subali’t nauunawaan ng senador na hindi magiging madali ang pagpasa ng nasabing panukala at batid niyang sasalungat ang malalaking kumpanya dito.

“Siyempre ayaw nilang ganyan dahil dagdag gastos yan eh. Pero naniniwala ako na panahon na para magkaroon sila ng malaking role sa pagsugpo ng kahirapan at pagtulong sa ating kapaligiran,” diin pa ni Villar.

Ipinaliwanag ng mambabatas na para maakit ang mga mayayamang korporasyon na makipagkaisa sa layunin ng panukalang batas, may mga pakinabang ding kapalit sa kanilang pagkakawanggawa. Hindi aniya dapat maunahan ng takot ang mga higanteng korporasyon dahil bibigyan sila ng tax incentives kapag gumastos para sa charitable projects; scientific; youth and sports development; cultural o educational purpose; serbisyo sa mga beterano at senior citizen; social welfare; environmental sustainability; pangkalusugan at disaster relief at assistance.

“Normally naman tax deductible yan. Sabi ko nga nililiwanag ko sa bill na itona tax deductible yan, wag silang medyo matakot. Ang one-third nyan ay tax deductible talaga.  Ang porsyento pag-uusapan pa. Ang pino-propose ko sana ay 3 percent pero meron akong naririnig na pwedeng babaan na lang sa one or two percent, depende na yan sa kalalabasan ng panukalang ito,” dagdag pa niVillar.

Obligado din ang mga mayayamangvkorporasyon na magsumite ng kanilang report sa Securities and Exchange Commission hinggil sa naging aktibidad sa CSR.

Si Villar ay isa sa boluntaryong gumagawa ng CSR ngayon tulad ng mga proyekto ng ginagawa ngayon ng Villar Foundation sa rehabilitasyon ng Zapote-Las Pinas River, Skills-Up and Livelihood Assistance Program, Sagip OFW Helpline, Caravan Kaalaman at ang pagpapatayo ng mga simbahan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa pinakahuling aktibidad ng Villar Foundation, nagpadala ito ng sariling mga tauhan o trainors sa Cotabato City para magturo sa mga residente ng mga pamamaraan kung paano mapagkakakitaan ang tone-toneladang water lilies na naging dahilan ng pagbabara sa mga daluyan ng tubig doon at pagbaha sa lugar nitong nakalipas na buwan.

Ang foundation ang bumalikat ng mga gastusin ng kanilang trainors gayundin ang sweldo nito upang makatulong sa lokal na pamahalaan ng Cotabato City.

Masayang ibinalita naman ni dating Las Pinas Rep. Cynthia Villar, presidente ng Villar Foundation, na may limang bayan na sa Cotabato City ang natuturuan ng kanilang mga tauhan at unti-unting namumulat ang mga residente dito na may gintong hatid sa pamumuhay ang akala’y mga basura.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply