Mga kaalyado ni GMA tikom sa mga bagong kaso

TIKOM ang bibig ng kampo ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo kaugnay ng isinusulong na imbestigasyon ng fact-finding body ng Ombudsman kaugnay sa P728-milyon fertilizer fund scam.

Ito ay makaraang magpalabas ng direktiba si acting Ombudsman Orlando Casimiro na kaagad kalkalin ang nasabing kontrobersiya, na kinasasangkutan ng dating Pangulo at ng mga alipores nito.

Binaliktad ng Ombudsman ang unang rekomendasyon na nagbabasura sa kasong katiwalian laban kay Arroyo na isinampa ni dating Solicitor General Frank Chavez.

Ipinaliwanag ni Casimiro na hindi nila tinanggap ang apela ng kampo ni Arroyo na walang matibay na ebidensyang magdidiin sa dating pangulo sa naturang katiwalian.

Hindi nagbigay ng anumang komento ang tagapagsalita ni Arroyo na si dating Rep. Maite Defensor.

Maging ang anak ng dating Pangulo na si Camarines Rep. Diosdado “Dato” Arroyo ay ayaw din magbigay ng pahayag sa panibagong kontrobersiya na kinasasangkutan ng ina.

Isang special team ang nakatakdang likhain upang direktang makipagtulungan umano sa resident Ombudsman sa Department of Agriculture upang malaman kung nasunod ang requirements sa ilalim ng Government Reform and Procurement Act.

Kaugnay nito, pinamamadali ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño sa Department of Justice (DOJ) ang aksyon sa isinampang kasong plunder laban sa dating Pangulo.

Ani Casiño, patatatagin lamang naman ng DOJ saka iiendorso sa Office of the Ombudsman ang reklamo laban sa dating Pangulo bago maisampa sa Sandiganbayan.

Ito ay mga kasong kaugnay sa NBN-ZTE Broadband deal kung saan dawit din si dating First Gentleman Mike Arroyo, dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Benjamin Abalos at dating National Economic Development Administration (NEDA) director-general Romulo Neri.

Noong nakaraang Hulyo 1 ng taong kasalukuyan ay isang taon na ang pagkakahain ng kaso laban kay Arroyo, ngunit tanging sina Abalos at Neri pa lamang ang may kaso sa Sandiganbayan kaugnay sa NBN broadband deal.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply